ni MC / ATD - @Sports | June 11. 2021
Inaprubahan na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang P46.230 million budget na gamitin sa kampanya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics. Inaprubahan ang nasabing halaga sa ginawang PSC board meeting base na rin sa proposal ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sinabi ni PSC Chairman Butch Ramirez na masayang tatanggapin ng sports agency ang request dahil suportado nila ang national team sa gagawing kampanya nito sa Tokyo Olympics 2020+1 edition. Nakalaan ang nasabing budget para sa international airfare, hotel at accommodation at allowances ng atleta maging mga opisyal, sa gagawing COVID-19 testing bago pumunta sa Tokyo, hotel quarantine expenses at insurance para sa COVID-19 treatment, travel at panggastos pabalik sa bansa ng buong Philippine delegation.
Hindi pa kasama sa proposal ng POC ang budget para sa ibang bagay gaya ng flags, flaglets at pins, luggages, parade uniforms na kakailangang sakaling magkaroon ng opening at closing parade.
Samantala, determinado sina beach volleyball stars Cherry Ann Rondina at Bernadeth Pons na makakuha ng ticket para sa 2021 Tokyo Olympics kaya naman lahat gagawin upang matupad ang kanilang inaasam.
Maalab na nag-eensayo sina ng 2019 Southeast Asian Games bronze medalists, Rondina at Pons na ngayon ay nasa Pagudpud, Ilocos Norte, nakatakda silang sumabak sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Continental Cup ngayong buwan, isang qualifying event para sa quadrennial meet.
"Ang wish namin gabayan kami ni Lord sa mga journey namin dito sa AVC and syempre wag kaming pabayaan." saad ni Rondina sa interview ng "The Game" sa One Sports. " Gusto din talaga namin makapag-Olympics. Sobrang taas ng level na yun pero wala namang bayad sa pangarap, kaya laban Pilipinas!" "Sobrang tagal din na hindi nakapag-court. Almost isang taon din kasi diba nu'ng 2020 pa," anaman ni Pons na nagandahan sa lugar na kanilang pinag-eensayuhan. "Sobrang ganda ng ambiance tapos may dagat."
Papalo ng bola ang national team sa AVC Continental Cup sa Hunyo 18-27 sa Nakhon Phanom, Thailand.
Sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 naman ang simula ng summer games na gaganapin sa Japan.
Comentarios