ni Mylene Alfonso | April 12, 2023
Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas sa mahigit P42.9 bilyong pondo para sa one-year health insurance premiums ng 8.5 milyong senior citizens sa buong bansa.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ito ay pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na tiyaking ang mga matatanda ay nabibigyan ng kaukulang suporta at pangangailangan.
Nilagdaan ni Pangandaman ang kabuuang P42,931,355,000 Special Allotment Release Order (SARO) at ang kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) nito noong Abril 4, 2023.
Nabatid na may kabuuang 8,586,271 milyong senior citizens ang inaasahang makikinabang sa alokasyon, ayon sa DBM.
Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), nasa mahigit P79 milyon ang inilalaan upang masakop ang pagbabayad ng mga premium ng health insurance ng mga hindi direktang nag-aambag, kabilang ang mga nakatatanda.
Alinsunod sa Republic Act No. 10645, o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010, lahat ng senior citizen ay sakop ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth.
Comments