ni Mylene Alfonso @News | September 5, 2023
Inaasahang makatatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kwalipikadong small rice retailers na apektado ng mandatong price ceilings sa bigas.
Ipatutupad simula ngayong araw, Setyembre 5, ang utos na nagtatakda ng price cap sa bigas.
Base sa Executive Order No. 39, na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., noong Agosto 31, ang regular milled rice ay maibebenta hanggang P41 kada kilo lamang at ang well-milled rice ay hanggang P45 kada kilo.
Ayon kay Sec. Rex Gatchalian, inatasan sila ni Pangulong Marcos na gamitin ang kanilang sustainable livelihood program upang tulungan ang mga rice traders at retailers sa ilalim ng mandato ng “capital build-up” ng programa.
Aniya, tanging ang maliliit na rice traders at retailer, o ang mga mahihinang grupo lamang ang tatanggap ng tulong ng gobyerno.
Ang sustainable livelihood program ng DSWD ay may tatlong mahahalagang mandato tulad ng start-up capital, na para sa mga gustong magsimula ng maliit na negosyo; ang pagbuo ng kapital para sa mga kaso na katulad ng mga epekto ng EO 39 sa maliliit na negosyante at employment grants.
Ipinunto ng DSWD chief na may nakahandang mekanismo ang DSWD para sa sustainable livelihood program dahil ganoon din ang ginamit ng ahensya noong Boracay rehabilitation at COVID-19 pandemic.
Bago umalis patungong Indonesia nitong Lunes, sinabi ni Marcos na aalamin at sisiguruhin ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Agriculture (DA) ang listahan ng mga apektadong rice traders at rice retailers na kwalipikadong bigyan ng ayuda mula sa pamahalaan.
Sinabi ni Gatchalian na agad nilang ibibigay ang kinakailangang tulong kapag natanggap na nila ang verified list mula sa DTI at DA. Binigyang-diin niya na handa silang simulan ang payout sa buong bansa.
Binanggit din ng opisyal na hindi nila inaasahan na "napakatagal" ang tulong pinansyal dahil pansamantala lamang ang implementasyon ng ipinag-uutos na rice price ceilings, o isang "stopgap measure" upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing pagkain.
Comentarios