ni Mylene Alfonso | June 30, 2023
Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na posibleng asahan ang umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR) sa darating na buwan.
Ito ay makaraang maglabas ng kautusan ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng Wage Order No. NCR-24 noong Hunyo 26, 2023.
Nabatid na magiging P610 na ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa NCR mula sa kasalukuyang P570 para sa non-agriculture sector workers.
Para naman sa agriculture sector, service, at sa mga retail establishments na may 15 o mas kaunting manggagawa gayundin ang mga manufacturer na may mas mababa sa regular na 10 manggagawa ang kanilang daily minimum wage ay magiging P573 mula sa P533.
Matatandaang ang huling wage order para sa mga manggagawa sa pribadong establisimyento sa NCR ay inilabas noong Mayo 13, 2022, na naging epektibo noong Hunyo 4, 2022.
Sinabi ng DOLE na kanilang isinumite ang wage order para sa pagpapatibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Hunyo 26, 2023.
Inaprubahan naman ng NWPC ang wage order noong Hunyo 27, 2023 at nakatakdang ilathala sa mga pahayagan ngayong Hunyo 30, ayon sa DOLE.
"With its official publication set on June 30, the new daily minimum wage rate for private sector workers in NCR shall take effect 15 days after or on July 16, 2023."
Binanggit din ng DOLE na nasa 1.1 milyong minimum wage earners sa NCR ang inaasahang direktang makikinabang sa kautusan.
Dagdag ng DOLE, “About 1.5 million full-time wage and salary workers earning above the minimum wage may also indirectly benefit as a result of upward adjustments at the enterprise level arising from the correction of wage distortion.”
Comments