ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 7, 2020
Tinatayang aabot sa P4.9 million ang agricultural damage na idinulot ng Bagyong Siony sa Batanes, ayon kay Governor Marilou Cayco.
Aniya, "Meron po kaming pinsala sa agrikultura. Ang expected damage sa agriculture ng [Storm] Siony dito ay mga P4.9 million.”
Wala naman umanong nasirang residential areas, daan, mga tulay at iba pang imprastruktura.
Dagdag pa ni Cayco, "Ang aming water, electricity at komunikasyon ay wala ring pinsala.”
Aniya pa, "Agad kong pinulong ang Disaster Risk Reduction and Management Council at minobilize ko ang lahat ng concerned agencies. Sila ay 24 hours na nakaantabay, maging ang aming PDRRMC office.
"Bantay na bantay po namin ito dahil ito 'yung kauna-unahang bagyo na papunta sa amin dito sa Batanes.”
Ayon kay Cayco, nagpamahagi na sila ng mga relief goods bago pa man dumating ang Bagyong Siony.
Aniya, "Kapag mag-distribute ka ng relief goods after ng bagyo ay napakarami pong poste ng kuryente na nakahambalang at hindi po kami makapag-distribute. Nag-distribute kami bago dumating ang typhoon sa lahat po ng pamilya... nagbigay po kami ng 10 kilos ng bigas, isang kilo ng pork.”
Nag-landfall ang Bagyong Siony sa Itbayat noong Biyernes nang umaga at tinatayang magiging low pressure area na lamang ito bukas, Linggo, nang hapon, ayon sa PAGASA.
Comments