ni Lolet Abania | December 22, 2020
Nakatakdang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P4.506-trillion 2021 national budget sa Lunes, December 28 sa Davao City, ayon sa pahayag ng Malacañang.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sasamahan si Pangulong Duterte ng ilang mambabatas para sa gagawing ceremonial signing.
Natanggap na ng Palasyo ang kopya ng mga planong gastusin noong Biyernes, kung saan sinabi ni Roque na posibleng gamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang line-item veto power kung kinakailangan.
Inaasahan sa budget ng susunod na taon na mapondohan ang mga plano ng gobyerno na mapaunlad ang healthcare system ng bansa, matiyak ang seguridad sa pagkain, mapalago ang mga investments sa pampubliko at digital infrastructure at makatulong sa mga mamamayan na makabangon sa pandemya ng COVID-19.
Tinatayang nasa P23 billion ang isinaayos sa budget ng mga lawmakers para sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng matitinding bagyo na tumama sa bansa ngayong taon.
Inaprubahan din ng Kongreso ang paglalaan ng P72.5 billion para sa COVID-19 vaccines.
Pinalawig naman ng mga mambabatas nang hanggang December 31, 2021 ang validity ng 2020 General Appropriations Act.
Isa pang proposed legislation ang naipasa sa Kongreso, ang pag-extend ng validity ng pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act ng hanggang June 30, 2021.
Gayunman, hindi pa malinaw kung ang dalawang panukalang ito, kung saan sinertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent ay mapipirmahan niya bago matapos ang taon.
Comments