top of page
Search
BULGAR

P3M multa at habambuhay kulong sa nakilahok sa hazing, ipatupad

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 31, 2023

Sa paglipas ng maraming taon, kabi-kabila ang mga balitang mga napahamak sa pagsali sa fraternity o sorority.


Kaya kahit na maganda naman ang adhikain ng isang samahan, nasisira ito dahil sa pag-abuso ng kapangyarihan. Ang pinakahuling napaulat na biktima ng isang “brotherhood” ay ang 25-taong gulang na Criminology student na si Ahldryn Lery Bravante. Siya ay namatay dahil sa umano hazing ng mismong mga kasama niya sa kapatiran.


Malinaw sa kasalukuyang batas na wala nang initiation rites o practices ang papayagan pang isagawa sa mga fraternity at sorority maliban lamang kung may pahintulot ng nangangasiwa at namamahala sa mga paaralan o pamantasan. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pananakit gaya ng paddling, paglalatigo, pambubugbog, paglalagay ng tatak, sapilitang pagpapaehersisyo, pagpapabilad sa araw, sapilitang pagpapainom ng alak, at pagpapagamit ng droga.


Sa Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053), kung saan kasama tayo sa mga pangunahing may akda, sinasabi rito na obligasyon ng mga paaralan na protektahan ang mga mag-aaral mula sa hazing. Ipinagbabawal ng batas ang lahat ng anyo ng hazing sa mga fraternity, sorority, at organisasyon sa mga paaralan, kabilang ang citizens’ military training at citizens’ army training. Reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo at multang P3 milyon ang ipapataw sa sino mang nagplano o nakilahok sa hazing na nagdulot ng pagkamatay, rape, sodomy, at mutilation.


Sa ilalim ng anti-hazing law, may mandato ang mga paaralan na maglunsad ng mga information campaign para sa mga mag-aaral, mga magulang, at guardian ukol sa mga pinsalang dulot ng hazing. Ang mga paaralan ay itinuturing na pangalawang tahanan ng mga estudyante. Kaya naman tungkulin ng mga eskwelahan na protektahan ang mga mag-aaral sa anumang kapahamakan.


Sa pamamagitan ng mas matibay na pangangasiwa at pagsunod sa batas, masisigurado na walang edukasyong maaantala at masasayang sa mga kabataang mag-aaral dahil sa matinding pinsalang idinulot ng hazing.


Nakikiisa tayo sa mga pamilya ng biktima ng hazing sa paghahangad ng hustisya.


Nananawagan din tayong muli sa mga alagad ng batas na tiyaking mahuhuli ang mga sangkot sa pagkamatay ng mga kawawang biktima ng hazing.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page