ni Lolet Abania | March 12, 2022
Nakatakdang makatanggap ng P3,000 fuel subsidy mula sa gobyerno, ang mga magsasaka ng mais at mangingisda lamang, ayon sa Department of Agriculture (DA) ngayong Sabado.
“Pawang corn farmers at mangingisda ang nasa listahan ng 162,000 na makatatanggap ng subsidy,” pahayag ni DA Undersecretary Kristine Evangelista sa isang interview.
Nilinaw naman ni Evangelista na kahit na wala sa listahan ang mga rice farmers, suportado naman sila ng isa pang cash grant program na Rice Farmer Financial Assistance (RFFA), kung saan makatatanggap sila ng P5,000 cash aid.
“Now, we are looking into corn farmers para sila naman ang mabigyan,” sabi ng opisyal. Gayundin, ang mga magsasaka ng gulay at high-value crops ay hindi nakasama sa listahan ng mga benepisyaryo para sa fuel subsidy.
Ayon kay Evangelista, tinutulungan sila ng DA sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trak sa mga farmer cooperatives. Matatandaang ang DA ay naglaan ng budget na P500 milyon para makapagbigay ng assistance sa pamamagitan ng fuel discounts sa mga magsasaka at mangingisda, kung saan alinman sa kanila ay nagmamay-ari ng sarili at nag-o-operate ng agricultural at fishery machinery o nag-o-operate sa pamamagitan ng isang organisasyon ng mga magsasaka o kooperatiba.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, nakikipagtulungan na ang kagawaran sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa distribusyon ng mga cards na gagamitin ng mga benepisyaryo sa mga susunod na araw.
Aabot sa tinatayang 160,000 na magsasaka at mangingisda ang makatatanggap ng P3,000 fuel subsidy bawat isa mula sa pamahalaan, ito ay para makabawas sa epekto ng sunud-sunod na taas-presyo sa gas sa kanilang pamumuhay.
Comments