ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 05, 2023
Marami ang natutuwa sa fuel subsidy na pinakawalan ng gobyerno ngunit marami rin ang nagagalit na tsuper at operator dahil sa hanggang sa kasalukuyan ay hindi umano sila inaabot ng naturang subsidiya at hindi nila alam kung aabutin pa sila.
Dahil dito ay hinihiling ng ilang commuter advocacy group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isapubliko ang liquidation report tungkol sa P3 bilyong fuel subsidy na dapat ipinamahagi sa mga tsuper at operator ng public utility vehicle (PUV).
Matatandaan na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang release ng P3 bilyon para sa implementasyon ng fuel subsidy sa transport sector na apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene.
Tinawag din itong Fuel Subsidy Program (FSP) na ang layunin ay makapagbigay ng tulong sa tinatayang 1.36 milyong driver at operators na labis na naapektuhan ng sunud-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo.
Kabilin-bilinan kasi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) na tulungan at huwag pabayaan ang ating mga manggagawa sa sektor ng transportasyon kaya dapat ay masigurong mabibigyan lahat at walang itatangi.
Ang release ng P3 bilyong pondo ay ginawa dahil sa kahilingan ng Department of Transportation (DOTr), ayon sa Special Provision (SP) No. 7 ng DOTr-OSEC agency- na specific budget na awtorisado sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11936, o mas kilala sa tawag na Fiscal Year (FY) 2023 General Appropriations Act (GAA).
Matapos matukoy ng LTFRB sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), at ng Department of Trade and Industry (DTI), ang 1.36 milyong target na benepisyaryo ng FSP ay bibigyan na ang mga ito ng one-time fuel subsidy.
Ang mga driver at operator ng modernized version ng public utility jeepneys (PUJs) at public utility vehicle express (UVEs) ay makakatanggap ng subsidiya na P10,000.
Ang mga driver at operators ng traditional PUJs, UVEs, public utility buses, minibusses, taxis, shuttle service taxis, transport network vehicles, tourist transport vehicles, school transport vehicles, at filcabs ay tatanggap ng P6,500.
Ang tricycle drivers naman ay makakatanggap ng P1,000 at ang mga nasa delivery services naman ay makakakuha ng P1,200.
Nakapaloob sa Memorandum of Agreement (MOA) na isinumite ng DOTr, na ang subsidiya na iri- release sa DOTr-OSEC, ay buong-buong ibibigay sa LTFRB bilang implementing agency.
Kumbaga, ayos na ayos ang sistema kaya nakapagtataka na maraming mga driver ang nagrereklamo na hindi umano sila inabot ng subsidiya o sadyang reklamador lang ang maraming tsuper. Pero bakit naman sila magrereklamo kung nakatanggap sila?
Sa isang banda ay hindi kasi tama na magkaroon pa ng problema ang subsidiya na dapat ipamahagi sa mga driver at operator dahil napakaliit lang naman nito kumpara sa P10.14 bilyong confidential fund na hinihingi ng administrasyon para sa 2024.
Kaya labis ang hinanakit ng mga driver at operator na hindi inabot ng subsidiya dahil ang layunin nga lang naman nito ay maibsan ang epekto ng patuloy na taas-presyo ng petrolyo sa sektor ng transportasyon para maawat ang pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Kamakailan ay ipinaubaya na ng LTFRB sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang pag-aaral kung magkano ang dapat aprubahan na dagdag-pasahe upang maiwasan umanong maging sanhi ito ng pagsipa ng inflation rate.
Sa puntong ito, tila nagkaroon ng komplikasyon dahil kung talagang naipamahagi nang maayos ang subsidiya na sasalag dapat sa taas-pasahe — bakit noong Martes ay inaprubahan na ng LTFRB ang petisyong P1 provisional fare increase para sa modern at traditional jeepney sa buong bansa na epektibo na sa Oktubre 8.
Kung tutusin, 71% ng ating mananakay ang tutol sa dagdag-pasahe dahil sa malaki umano ang epekto nito sa pang-araw-araw nilang gastusin kaya nga naglabas ng subsidiya upang pigilan ito.
Hindi tayo tutol sa dagdag-pasahe, ang nais lang natin ay pakinggan ang hiling na ipaliwanag ng LTFRB kung paano nila ginastos ang P3 bilyon dahil naguguluhan ang ilang transport group —lalo na ang mga hindi nabigyan dahil tiyak na itsapuwera na sila ngayong aprubado na ang P1 fare increase. Ano ba talaga?
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários