top of page
Search
BULGAR

P35 minimum pasahe, ‘pag natupad ang PUVMP!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 28, 2023


Parang bombang nakatakdang sumabog anumang oras pagsapit ng Disyembre 31, 2023 ang kalagayan ng transport group sa bansa na isa sa pinakaaabangan ng ating mga kababayan kung paano ito ireresolba ng pamahalaan.


Hanggang sa huling sandali ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang ilang transport group na tutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na muling naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang hilingin na magpalabas ng temporary restraining order hinggil sa PUVMP consolidation.


Kaugnay nito, nagbigay ng babala ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na tataas sa P35 ang minimum pasahe kapag nawala na ang mga traditional jeepney at UV Express.


Ito mismo ang naging pahayag ng pamunuan ng PISTON sa nakuha nilang impormasyon kaya pilit umanong iginigiit ng pamahalaan ang PUVMP at gagamitin umano ang mga modernong jeepney sa pagtataas ng pasahe.


Kung totoo ang pahayag na ito ng PISTON national president na si Mody Floranda ay napakasaklap ng balitang ito at siguradong maraming pasahero ang aalma.


Kinumpirma ng PISTON na nakakuha sila ng datos na aabot ng P35 ang minimum na pamasahe ngunit posible ring sadyang inilabas ito ng mga nagpoprotestang transport group upang mas lumakas pa ang kanilang panawagan.


Base naman sa pag-aaral ng isang non-profit organization na IBON Foundation, aabot hanggang 400% ang itataas ng minimum fare kapag natanggal sa kalsada ang mga traditional jeepney.


Ipinagtapat mismo ng IBON Foundation na ang malalang sasapitin ng privatization at corporatization ay ang bantang pagtataas ng pamasahe sa jeepney na aabot sa 300% hanggang 400% sa mga susunod na taon.


Kumbaga, nakakuha ng kakampi ang transport group sa samahan ng IBON Foundation na labis na kinakastigo ang kasalukuyang pamahalaan dahil sa pagsasawalang bahala umano sa mga karaingan ng transport sector.


Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) na ang pangamba ng IBON Foundation ay maaaring sa Step 2 pa ng PUV modernization program, kung saan ang mga traditional jeepney ay papalitan ng mga modern jeepney.


Ipinaliwanag ng DOTr na ikinasa na ng gobyerno ang mga pagbabago sa plano upang maibsan ang pasanin ng mga jeepney operator na nakahabol sa PUVMP consolidation.

Kabilang na nga rito ang pagtataas ng subsidiya na dati-rati ay nasa P80,000 lamang per unit, tapos dinagdagan at ginawang P160,000 per unit — ngayon ay nasa P200,000 hanggang P300,000 na depende sa klase ng jeepney na nais nila.


Ang presyo ng bagong modernized jeepney ay nagkakahalaga ng P2.3 milyon hanggang P2.8 milyon per unit na labis na tinututulan ng ilang transport group kaya nga hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang protesta.


Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring liwanag na natatanaw ang mga nagpoprotestang transport group sa kabila ng panibagong petisyon na isinumite nila sa Korte Suprema dahil sa matinding paninindigan ng DOTr na ituloy ang nakatakdang deadline.


Dismayado na ang ilang transport group dahil posibleng humantong umano sa kawalan ng hanapbuhay ng 50,000 jeepney driver na tumatangging tumugon sa panawagan ng gobyerno na franchise consolidation hanggang sa Disyembre 31, 2023.


Pinakamalungkot umanong pagsalubong sa Bagong Taon ang sasapitin ng transport group dahil bukod sa 50,000 jeepney units na maaaring huminto sa pagbiyahe sa kanilang mga ruta sa Metro Manila ay maaapektuhan din ang iba pang public utility vehicle gaya ng UV Express dahil sa PUVMP na ito.


Ngunit sa dinami-dami ng paliwanag ng mga nagpoprotestang transport group ay sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na ang jeepney na hindi nag-consolidate ay ituturing nang kolorum kapag pumasada simula sa Enero 1, 2024.


Ang tanging pag-asa na lamang sa ngayon ng mga transport group ay ang patulan sila ng Supreme Court at maglabas ng temporary restraining order sa PUVMP consolidation.


Maliban d’yan ay wala na tayong nakikitang malaking paggalaw maliban na lamang sa mga panibagong tigil-pasada na hindi na pinapansin ng DOTr — konti na lang magkakaalam-alam na!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page