@Editorial | May 18, 2024
Problema pa rin ang mga eskwelahan na matinding napinsala dahil sa mga nagdaaang kalamidad.
Kaya naman, magandang balita ang pag-apruba ng Department of Education sa P30 bilyong pondo para sa pagsasaayos ng mga paaralang sinalanta.
Napag-alaman pa na ang Infrastructure for Safer and Resilient Schools (ISRS) Project ay isang mahalagang parte ng MATATAG agenda ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte.
Layon din ng proyektong ito na mapabuti ang mga kagamitan ng DepEd, kabilang na ang pagsasanay sa mga tauhan nito upang matiyak ang katatagan ng mga paaralan sa panahon ng kalamidad.
Mahigit 4,000 school buildings, higit 13,000 classrooms at higit 700,000 na mag-aaral ang makikinabang sa nasabing proyekto.
Malaking pasalamat din sa World Bank sa pagpondo ng proyektong ito na inaasahang makukumpleto sa loob ng limang taon.
Kaya napakahalagang matutukan ang pagsasaayos ng mga paaralan upang matiyak na komportable ang mga mag-aaral at matiyak na maibibigay ang magandang kalidad ng edukasyon.
Ngayong sisimulan na ang ganitong mga proyekto, umaasa tayo na magtutuluy-tuloy pa ito at mabigyan ng maganda at maayos na klasrum ang mga estudyante para makaranas ng kaginhawaan at komportableng pag-aaral.
Dapat ding mabantayang maigi ang pondo para matiyak na sulit at hindi masayang o ma-magic.
Comments