ni Mai Ancheta @News | October 7, 2023
May naghihintay na magandang balita sa mga motorista sa susunod na linggo dahil sa inaasahang malakihang rollback sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Department of Energy Assistant Director Rodela Romero, posibleng magkaroon ng tapyas presyo sa krudo, gasolina at kerosene batay sa apat na araw na takbo ng presyo ng oil products sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa opisyal, posibleng umabot hanggang tatlong piso kada litro ang bawas-presyo sa gasolina; P1.45 - P1.85 per liter ang tapyas sa diesel; at P1.75 -P2.15 per liter naman ang rollback sa kerosene.
Gayunman, sinabi ng opisyal na posibleng magbago pa ang presyo dahil hindi pa tapos ang ikalimang araw na trading ng oil products sa world market.
Kalimitang ginagawa ng mga kumpanya ng langis ang anunsiyo kung mayroong dagdag-presyo o rollback sa kanilang oil products pagsapit ng alas-12 ng hatinggabi ng Lunes.
Matatandaang nitong Oktubre 3, nagpatupad ng rollback sa presyo ng kanilang produkto ang mga kumpanya ng langis.
Comments