ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 6, 2021
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tinatayang aabot sa P3 milyong halaga ng ecstasy at kush marijuana ngayong Martes sa ilang warehouses sa Pasay City.
Sa tulong ng BOC Customs Anti-illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), nasabat ang 1,681 tablets ng ecstasy na tinatayang nagkakahalagang P2,857,700 na ayon sa awtoridad, “Found concealed inside a microwave oven.”
Aabot naman sa halagang P159,600 ang nasabat na 133 grams ng kush marijuana na natagpuan sa loob ng isang metal toy box.
Ayon pa sa BOC, “In sum, the seized ecstasy and marijuana have an aggregate value of P3,017,300.”
Sa tala ng Customs, napag-alaman na mula sa Netherlands ang ecstasy at ang recipient ay taga-Quezon City, habang ang kush marijuana naman ay mula sa USA na ang recipient ay naka-address sa Pasay City.
Nai-turn-over na sa PDEA ang mga naturang parcels upang makapagsagawa ng case profiling at posible rin umanong sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) in relation to Section 119 (restricted importation) at Section 1401 (unlawful importation) ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang mga sangkot sa insidente.
Comments