ni Lolet Abania | June 16, 2021
Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat katao dahil sa ilegal na pagbebenta ng tinatayang P2 milyong halaga ng Remdesivir, isang experimental drug para labanan ang COVID-19.
Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Maria Christina Manaig, Christopher Boydon, Philip Bales, at Bernard Tommy Bunyi. Ayon kay NBI officer-in-charge Eric Distor, nadakip ang mga suspek matapos makatanggap ang ahensiya ng impormasyon hinggil sa “laganap” na bentahan ng Remdesivir online.
Ang naturang gamot ay walang certificate of product registration sa Pilipinas kaya hindi dapat ito komersiyal na ibinebenta. Matatandaang pinayagan ang paggamit ng Remdesivir sa pamamagitan ng isang compassionate special permit (CSP) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang CSP ay maaari lamang i-request ng mga doktor na in-charge o ng institusyon kung saan ang pasyente ay ginagamot, at siya ring may responsibilidad sa paggamit at pagbibigay ng Remdesivir dito.
Sinabi ni Distor, nagawang makipagtransaksiyon ng NBI Special Task Force sa mga suspek at maka-order sa kanila ng isang vial na nasa halagang P4,500 hanggang P5,000.
Agad na nagsagawa ang NBI-STF ng magkasabay na entrapment operations kahapon na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na suspek sa West Avenue, Quezon City at Bunyi sa Timog Avenue, Quezon City.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa P1.8 milyong halaga ng Remdesivir. Sumailalim ang mga suspek sa inquest proceedings bago sampahan ng kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Philippine Pharmacy Act.
Comments