ni Lolet Abania | June 6, 2022
Umabot sa P272 milyon ang naging gastos ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang political party ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa May 2022 elections, base sa kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Ayon kay Atty. George Briones, PFP general counsel, ang P272 milyong halaga ng kanilang mga nagastos sa nakalipas na presidential campaign aniya, “well below the maximum expenditure of P337 million allowed by law for a national political party.”
Ang 400-page SOCE, na inihain sa Commission on Elections (Comelec) ngayong Lunes, ay nilagdaan ni PFP national treasurer Anton Lagdameo na siyang napili ni Marcos na maging Special Assistant to the President (SAP) sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nilinaw naman ni Atty. Rico Alday ng PFP na ang halagang ito ay mga gastusin lamang ng political party. Aniya, ang malaking bahagi nito ay alokasyon para sa mga advertisements sa telebisyon.
Ayon kay Alday, nakapaglaan din ang partido ng malaking bahagi ng P272 milyon para sa mga expenses sa rally. “I think kayo na rin ang makakapagsabi niyan, it’s TV ads. TV ads ‘yung malaking bulk,” pahayag ni Alday sa mga reporters.
“Well of course, voluminous ‘yung document, ngayon lang namin natapos,” dagdag ni Alday nang tanungin siya kung bakit naisumite ang SOCE ngayon lamang Hunyo 6.
Batay sa Section 14 ng Republic Act 7166 ay nakasaad, “every candidate and treasurer of the political party shall, within 30 days after the day of the election, file in duplicate with the offices of the Commission the full, true and itemized statement of all contributions and expenditures in connection with the election.”
Dagdag pa rito: “No person elected to any public offices shall enter upon the duties of his office until he has filed the statement of contributions and expenditures herein required.”
Comments