ni Lolet Abania | January 24, 2023

Inanunsiyo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) ang P27.477-million penalty o multa na naipataw sa Maynilad Water Services Inc. (Maynilad), kung saan ang concessionaire ay nakatakdang i-refund ito sa mga piling kostumer na apektado ng mga service interruptions sa mga nakalipas na buwan.
Ayon kay MWSS Officer-in-Charge at Deputy Administrator for Customer Service Regulation Lee Robert Britanico, ang nasabing halaga ay na-compute matapos ang ginawang mga konsultasyon at validations, at lumabas na mas mataas ito kumpara sa iminungkahing halaga na P18 million ng Maynilad.
“We want to make sure that hindi na mauulit ito. We are pushing them that they improve their services sooner or later. We came up with a different amount,” pahayag ni Britanico sa isang virtual briefing ngayong Martes.
“Right now I think they’re operating at normal capacity. If there are still water service interruptions na unusual, we encourage everyone to please report it to Maynilad,” dagdag niya.
Target ang mga rebates na mag-reflect sa bill ng Pebrero ng mga kostumer ng Maynilad sa southern area ng Luzon, kung saan may mga interruptions na nai-record noong Disyembre at Enero, habang ang ilan ay wala talagang serbisyo ng tubig ng maraming araw.
Sa kasalukuyan ang Maynilad ay nagseserbisyo sa mga kostumer sa west zone, na sakop ang mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon, Valenzuela. Nagseserbisyo rin sila sa ilan lugar sa Cavite gaya sa mga lungsod ng Bacoor, Cavite, at Imus; at sa bayan ng Kawit, Noveleta, at Rosario.
Ayon naman sa Maynilad, maglalabas din sila ng statement hinggil sa usapin.
Komentar