ni Chit Luna @Brand Zone | November 15, 2023
Naging matagumpay ang operasyon ng Bureau of Internal Revenue, sa pangunguna ni Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. laban sa illicit cigarette traders at smugglers noong Nobyembre 6, 2023.
Sa katunayan, may kabuuang 717 master cases o 358,500 pakete ng “illicit cigarette” na tinatayang P252 million sa tax liabilities ang nakumpiska ng BIR.
Ito ay joint enforcement operation kasama ang Naval Forces of Eastern Mindanao Command na nakabase sa Davao City.
“The BIR will continue the fight against illicit tobacco traders or smugglers wherever they may be. The BIR will continue to protect compliant taxpayers while prosecuting illicit trade. We will not stop. Expect more enforcement operations,” ayon kay Commissioner Lumagui.
Natuklasan sa joint operation na ang brands gaya ng Canon, GreenHill, at Bros ay ipinuslit sa Pilipinas nang walang tamang pagbabayad ng excise taxes.
Dahil dito, malinaw na nilabag ng mga mangangalakal ang Seksyon 130 ng National Internal Revenue Code, inamyendahan ng Republic Act 11900, at Revenue Regulations Nos. 7-2021, 18-2021, at 14-2022.
Samantala, isa pang matagumpay na enforcement operation ang isinagawa ng BIR noong Nobyembre 8 na nagresulta ng pagkumpiska sa 51 master cases o 25,500 pakete ng New Orleans smuggled cigarettes kung saan ipinagpapalagay na may tax liabilities na P17.9 milyon.
Ito ay joint operation kasama ang Davao City Police Office PS6 at Task Force Davao sa isinagawang random checkpoint sa Bunawan, Davao City.
Comments