top of page
Search
BULGAR

P250, singil sa mga benipisyaryo ng SAP na gustong mag-cash out

ni Twincle Esquierdo | September 3, 2020



Binalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang partner-financial service provider (FSPs) na huwag mag-o-overcharge sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) kapag mag-o-over-the-counter cash out ang mga ito.


Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, tinawag nila ang atensiyon ng Cebuana

Lhuillier sa Parañaque City, isa sa mga pay-out centers dahil ‘di umano sa paniningil ng P250 insurance fee sa mga benepisyaryo ng SAP, matapos makatanggap ng reklamo sa mula sa social media.


“Tinawag na po ang atensiyon ng ating FSP, ang ating FSP partner, sa Starpay hinggil dito at pinaalalahan po natin na ang Cebuana Lhuillier branches sa Parañaque na huwag na dapat kolektahin ang nasabing halaga,” sinabi ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje.


Aniya pa, “Hindi po sila dapat kumolekta ng ganung halaga at ang insurance ay standard sa mga Cebuana branch subalit ito’y hindi ipinatupad para sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program,”


Ang Starpay ay isa sa anim na FSPs ng DSWD para sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng

ikalawang implementasyon ng SAP.


Sa naganap na House Committee on Good Government and Public Accountability ay patuloy na tinalakay ang mga iregularidad sa implementasyon ng SAP. Noong Agosto 26, inirekomenda ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr. na dapat nilang masuri ang FSPs dahil sa mga katiwaliang ginawa ng mga ito.


Ipinaliwanag naman ni DSWD Undersecretary for Operations Atty. Aimee Torrefranca-Neri, nangyayare ang dagdag na singil kapag ang benepisyaryo ng SAP ay nagpasyang mag-cash-out sa mismong partner-remittance center.


Dagdag pa ni Atty. Torrefranca-Neri, “the remittance center should not charge more than P50 for every cash out by way of a convenience fee, or a cash out fee, if the beneficiaries decide to cash it out from the remittance centers.”


Matatandaang noong Hunyo 30, 2020 ay nilagdaan ng DSWD and Memorandum of Agreement (MOA) sa Land Bank at anim nitong FSPs na BDO, GCash, RCBC, Robinsons Bank, Paymaya, Starpay at Union Bank.


Nakasaad sa MOA na hindi lalagpas sa P50 ang ibabawas sa benepisyaryo kung sakaling

magpasya itong mag-cash out sa mga partner outlets ng FSPs.


Ayon kay Villafuerte, dapat kumilos agad ang DSWD tungkol sa pang-aabuso ng mga FSPs na nag-o-overcharge sa mga benepisyaryo ng SAP.



“While your desire is to partner with partner financial service providers, may nag-o-overcharge.


Dapat huwag n’yo na silang i-accredit, dahil nang-aabuso,” sabi ni Villafuerte.


Ayon din sa kongresista, asahan ng DSWD na 90 percent ng mga benepisyaryo ay mag-o-over-the-counter cash-out dahil bihira sa mga ito ang gumagamit ng online transaction.


Pahayag ni Villafuerte, “I-assume natin na ‘pag nagbigay tayo ng ayuda, ika-cash out nila ‘yan kasi ‘yung iba, hindi talaga sanay sa online transactions. Karamihan d’yan, bibili ng bigas at karamihan ng retailer ng bigas ay hindi naman online.”


“Gusto kong i-point out na maraming nag-o-overcharge na service providers. We will provide the DSWD these complaints, pero huwag na po kayo maghintay sa amin na provide-an namin kayo, i-check n’yo na po on the ground.”


Para sa ilang katanungan, maaaring dumulog ang mga benepisyaryo ng SAP sa linya ng Starpay sa mga numerong 833-7827, 0950-986-7827, 0921-777-7722 at 0939-600-0020.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page