ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 7, 2024
Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na madaragdagan ng P25 ang pamasahe sa modern jeepney — na umano’y pakana lamang ng mga tutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Tiniyak ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na mananatili ang pamasahe sa mga consolidated jeepney at mga modern jeepney.
Ginawa ni Guadiz ang pahayag dahil sa sinabi ng isang lider ng Piston na isusulong nila ang P25 dagdag sa pamasahe upang mabawi ang pinuhunan sa pagbili ng modern jeepney alinsunod sa PUVMP.
Napag-alaman mula LTFRB na wala umanong basehan ang implementasyon ng fare hikes para sa public utility vehicles (PUVs). Napakarami umano na dapat ikonsidera sa pagtataas ng pasahe tulad ng hindi na mapigilang pagtaas ng gasolina, bago aprubahan ng ahensya ang fare increase.
Ang mga traditional jeepney na nakapag-consolidate na ng prangkisa ay bibigyan ng 27 buwan para makabili ng modern jeepney. Ang hindi naman nakapag-consolidate pagkatapos ng deadline noong Abril 30 ay ituturing nang kolorum.
Samantala, nakatakda namang imbestigahan ng Senado ang epekto ng PUVMP sa mga tsuper at operator. Sa pangunguna ni Sen. Grace Poe ay nais nitong matiyak kung ginagamit na ang P200 milyong pondo para sa livelihood assistance ng mga tsuper na nawalan ng pinapasadang jeepney.
Ayon pa sa senadora, matagal na nitong hinihingi sa Department of Transportation (DOTr) ang detalyadong impormasyon sa status at revised timeline ng PUVMP pati na ang updated data sa consolidated jeepneys; impormasyon sa sineserbisyuhang ruta at apektadong ruta at sa mga contingency plans.
Sabagay, simula nang magpatawag ng pagdinig sa Senado, ay wala na tayong ibang nabalitaan kung ano na ang kinahinatnan ng pagdinig -- maging ‘yung iniatas sa DOTr na dapat isumite nila bago nila iimplementa ang mga bagay-bagay hinggil sa programa, ay hindi umano nila inasikaso na hinahanap na ni Sen. Poe.
Nabatid na hanggang ngayon, ipinaglalaban pa rin ni Sen. Poe na sana ay mas tumaas pa ang subsidiya ng gobyerno para sa kanila. Hindi pa rin binibitawan ni Sen. Poe ‘yung mga sasakyan na sana ay mabili ng mura at gawa rito sa Pilipinas. Maging ang mabigyan ng maayos na pondo para naman doon sa hindi makakapag-consolidate ay naghahanda ng alternatibong programa.
Dahil sa panibagong pahayag na ito ni Sen. Poe ay inaasahang magkakaroon ito ng epekto sa umaandar ng PUVMP ngunit hindi natin batid kung magiging positibo o negatibo ang epekto nito.
Ngunit maraming transport group na hindi pa rin sumusunod sa nais ng LTFRB, na tumutugma ang kanilang kahilingan sa mga pahayag ni Sen. Poe, ang tiyak ay mabubuhayan ng dugo dahil nakakita na naman sila ng panibagong kakampi.
Ibig sabihin ba nito ay karagdagang usapin na naman ito sa pagitan ng LTFRB at mga kumukontrang tradisyunal na jeepney, na hanggang ngayon ay problema pa rin ng LTFRB.
Tutal hindi naman matapus-tapos ang usaping ito sa modernization program ay makabubuti sigurong magharap-harap na sa Senado upang isapinal kung ano talaga ang direksyong tinatahak ng PUVMP sa bansa.
Sabagay mukhang umaandar na ang PUVMP at tiyak na karagdagang tulong lang ang nais ng butihin nating senadora.
Ang mahalaga ay hindi na aabutin ng panibagong taon ang usapin sa pagpapatupad ng PUVMP at magiging maayos na ang lahat.
At ‘yung karagdagang P25 fare hike, hindi totoo at malaki ang posibilidad na nagmula ang balitang ito sa hanay ng mga transport group na tutol sa PUVMP upang maging negatibo na naman sa publiko ang naturang usapin.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios