ni Mary Gutierrez Almirañez | April 14, 2021
Dalawang tulak ang napatay sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group kasama ang National Capital Region (NCR) Police Office, Southern Police District at Las Piñas City Police sa isang subdivision sa Baranggay Almanza Uno, Las Piñas City nitong Martes nang gabi, Abril 13.
Ayon sa ulat, kinilala ang mga tulak na sina Coco Amarga at Andrew Garcia bilang mga ‘new player’ sapagkat wala umano sila sa watchlist ng pulisya.
Kuwento pa ni PNP Chief General Debold Sinas, pasado alas-10 nang gabi nu'ng makipagtransaksiyon sa mga ito ang pulisya, subalit nu’ng idineklara nilang buy-bust iyon ay kaagad nataranta ang mga suspek saka nagsimulang magpaputok ng baril.
Narekober sa crime scene ang dalawang caliber .45 na baril at tatlong kahon na may lamang 31 kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa Chinese tea pack na nagkakahalagang mahigit P210 milyon.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung sino ang kanilang lider at kung bago o lumang stock ang mga nasabat na shabu, sapagkat posible rin umanong nanggaling ang mga iyon sa Pampanga na ibebenta sana sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.
Comments