ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 15, 2023
Natagpuan ang higit sa tatlong kilo ng hinihinalang shabu na may halagang higit sa P21 milyon sa loob ng isang abandonadong massage room sa pre-departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ayon sa ulat ng mga awtoridad ngayong Biyernes.
Natuklasan ng construction worker na si Paul Anthony Padilla ang mga hinihinalang ilegal na droga sa loob ng isang aparador sa dating Club Manila Massage Center na isinara sa publiko mula nang magkaroon ng pandemya noong 2020.
Ayon sa ulat ng mga otoridad ng NAIA, nagde-demolish ang mga construction worker ng mga lumang aparador sa loob ng Club Manila Massage Center nang makadiskubre si Padilla.
Nag-surrender si Padilla sa mga otoridad ng mga hinihinalang droga na nasa loob ng tatlong improvised pouch at may timbang na humigit-kumulang na 3,180 gramo.
May tinatayang P21,624,000 na street value ang droga.
Isinagawa ng mga otoridad ang isang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang may-ari ng hinihinalang ilegal na droga at kung paano ito napasok sa establisyemento.
Kommentarer