ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 15, 2023
Posible ang P20 bawat kilo ng bigas sa 2024 sa ilalim ng ilang kondisyon, ayon kay Senador Cynthia Villar.
“Kapag na-implement ang Rice Tariffication Law [at yung Rice Competitiveness Enhancement Fund ng National Rice Program at saka yung ano….. [ay] kaya,” pahayag ni Villar ngayong Biyernes.
Sinabi ni Villar, ang chairperson ng Senate committee on agriculture, food, at agrarian reform, na nasa implementasyon ng nabanggit na mga hakbang ang problema.
Sinabi niya na upang mabawasan ang presyo ng bigas, kinakailangan ding magsanay ang mga magsasaka at bigyan ng mas magandang mga binhi.
“Kailangan mura ang puhunan. Kaya may perang binigay sa Landbank at Development Bank of the Philippines. Kaso kung hindi nila ‘yun ibibigay sa farmers ay mahihirapan tayo to be competitive. Pero kung maganda ang implementation of the law we can do it,” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Villar na kaya ng Vietnam na mag-produce ng palay, o kilala rin bilang "unhusked rice", sa halagang P6 kada kilo.
“Yun ang hinahabol natin eh. Sa P6 per kilo na palay times two para maging bigas so P12 ang puhunan. So kayang-kaya yung P20 kung tutuusin ‘di iba? Kaya lang kailangan ibaba. P12 [ang production rate] natin eh. Kailangan ibaba sa P6,” saad niya.
Comments