ni Mary Gutierrez Almirañez | June 5, 2021
Nilinaw ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na kulang ang P82.5 billion na inilaang pondo sa pambili ng COVID-19 vaccines, kaya kailangan nilang gamitin ang P2.5 billion pondo ng 2021 contingency fund, na inaprubahaninaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw, June 5.
Aniya, “Kaa-approve lang ng ating Pangulo ng P2.5 billion, equivalent to $56 million chargeable against the 2021 contingency fund.”
Dagdag niya, “Sa taong ito, nag-allocate tayo ng P82.5 billion for COVID-19 vaccination program. Of this amount, P70 billion ginamit sa pambili ng COVID-19 vaccines at 12.5 ay sa ancillary at logistical (purposes). Subalit hindi tayo natatapos dito kasi kailangan natin ng mas maraming vaccine at nakikipag-unahan tayo sa ibang bansa.
“Ang madaling sabi: hindi lang po talaga P82.5 billion ang gagastusin sa pagbili ng vaccine. Kaya kahit contingency fund, kailangang gamitin,” paglilinaw pa niya.
Ilalaan umano nila ang contingency fund para sa 4 million doses ng COVID-19 vaccines na nakatakdang i-deliver sa bansa ngayong buwan.
Sa ngayon ay 8,329,050 doses ng bakuna na ang dumating sa ‘Pinas, kabilang ang Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V at Pfizer.
Inaasahan namang darating bukas ang karagdagang 1 million doses ng Sinovac galing China.
Kaugnay nito, puwede nang iturok ang Sinovac sa mga edad 3 hanggang 17-anyos na populasyon ng China, matapos maaprubahan ang emergency use authorization nito, ayon kay Chairman Yin Weidong ng Sinovac Biotech.
Comments