top of page
Search
BULGAR

P1M multa at bawi-lisensya sa lasing na driver

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 17, 2024


Malaking dagok para sa mga kababayan nating mahilig uminom ng alak tapos ay magmamaneho dahil kapag nahuli ay tumataginting na isang 1 milyong piso ang multa at mawawalan pa ng driver’s license.


Marahil, ito na ang pinakaepektibong paraan upang matigil na ang nakagawiang pagmamaneho ng maraming lasenggong tsuper na karaniwang nasasangkot sa grabeng aksidente na humahantong sa pagkasawi ng marami nating kababayan at pagkawasak ng malaking halaga ng ari-arian.


Tiyak na magugulantang ang mga tsuper na mahilig magmaneho kahit nakainom ng alak dahil sa panukala na itaas ang multa hanggang P1 milyon.


Sa Senate Bill No. 2546 ni Senador Raffy Tulfo, kung ang paglabag sa anti-drunk o driving measure ay magresulta sa homicide, ang suspek ay mahaharap sa multa mula P500,000 hanggang P1,000,000. Isinusulong din sa panukala na kumpiskahin at suspendihin ang lisensya sa pagmamaneho sa loob ng 24 na buwan.


Hindi natin masisisi si Sen. Tulfo dahil sa kabila ng pagpasa ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, talamak pa rin ang kaso ng drunk driving sa bansa.


Ayon sa Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Service-Anti-Drunk and Drugged Driving Enforcement Unit na rumesponde sa 402 kaso ng aksidente sa kalsada mula Enero hanggang Agosto 2022, kung saan 353 sa mga driver na sangkot sa mga insidenteng ito ang nagpositibo sa alcohol intoxication.


Sabi ni Tulfo, noong Nobyembre 1, 2023, isang pickup truck driver, na kinilalang si Alyssa Mae Pacrin Abitria, ang nagdulot ng pagkawasak ng tatlong sasakyan sa Calamba City, Laguna. Ang aksidente ay nagresulta sa pagkasawi ng 5 katao, kabilang na ang mag-asawa at tatlo nilang anak.


Ang dahilan -- wala sa katinuan ang driver at nakumpirma ng mga pulis na amoy alak si Abitria, gayunpaman, negatibo ang kanyang pagsusuri sa alkohol. Ngunit, ipinaliwanag ni Police Deputy Chief Major Aguilar na ang ‘negative’ na resulta ay maaaring dahil ginawa ang test isang araw pagkatapos ng insidente.


Kahit na nahaharap si Abitria sa maraming kaso gaya ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, multiple damage to properties at mga paglabag sa ilalim ng RA 10586, nakapagpiyansa siya sa halagang P120,000 lamang at muli ay kahalubilo na naman natin sa kalye agad-agad.


Marami ang nagulat sa panukalang ito pero marahil, panahon na upang paigtingin ang batas para sa kaligtasan ng maraming motorista at iba pa nating kababayan sa lansangan.


Ang isang milyong pisong multa ay tiyak na maiisip ng kahit sinong pinakalasing na driver ito bago siya magmaneho, kaya naniniwala akong napapanahon ang naturang panukalang batas. Sana, madaliin ito sa Senado dahil sa tingin ko ay ito lang ang makapipigil sa mga driver na matigas ang ulo, lalo na ang mga nagsasabing mas maingat daw silang magmaneho kapag nakainom. Pero ang totoo, isang malaking akala lang nila na kaya nilang mag-drive dahil ayon sa mga eksperto hindi umano sabay ang isip ng isang lasing sa galaw ng kanyang katawan na pangunahing kailangan sa pagmamaneho.


Sabagay, marami na ang nagtangkang palakasin ang kautusan hinggil sa pagbabawal sa pagmamaneho ng lasing ngunit lahat ay nabigo, kaya mabuting suportahan natin ang panukala ni Sen. Tulfo — mukhang may kahihinatnan itong mabuti.


Sino ba naman ang kokontra rito kundi ‘yung mga driver na mahilig lumaklak tapos magmamaneho, pero ‘yung mga hindi naman gumagawa nito ay pabor na pairalin.


Hindi ba’t sa Antipolo City ay isang truck din ang bumulusok pababa at sumira sa maraming kabahayan dahil sa nakainom ng alak na driver?


Ilang ‘kagulong’ na ba natin ang binawian ng buhay nang nawalan ng kontrol sa manibela dahil sa nakainom ng alak. Pero, sa laki ng multa kung makalulusot sa Senado ay tiyak na sisipagin ang mga enforcer na ipatupad ang batas.


Kahit ang mga motorista ay excited na rin sa pagsasabatas ng panukalang ito ni Sen. Tulfo dahil kahit nga naman maingat sila sa pagmamaneho kung ang kasabay nila sa kalye ay hindi nag-iingat at nakainom pa, balewala rin ang kanilang ginagawa.


Higit sa lahat ay napakataas ng datos ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa aksidenteng kinasasangkutan ng ilang driver, kaya may basehan talaga ang panukalang batas na ito. Mabuhay po!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page