ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 23, 2022
Kapag sinabing talents, artists, panigurado, marami tayo n’yan dito sa ‘Pinas. Punung-puno tayo ng mga kababayang may angking talento na ang kailangan lang ay mahulma, upang tulad ng iba ay magkaroon din ng pagkakataong makilala sa mundo ng sining, maging sa pandaigdigang kompetisyon.
Sino ba naman ang hindi magiging proud kung ang isang Pinoy ay kilalanin sa mga international events at makatanggap pa ng parangal sa kanyang nilahukang larangan di ba?
Wala naman sigurong hindi nakakikilala kay G. John Arcilla na talaga namang napakagaling na aktor. Itinanghal siyang best actor sa 78th Venice Film Festival at tumanggap ng Coppi Volpi award mula sa naturang award giving body.
Nar’yan din si G. Michael Garcia Villagante na tumanggap naman ng Lorenzo il Magnifico Award sa Biennale Internazionale Dell'Arte Contemporanea o mas kilala bilang Florence Biennale art fair; Si director Diane Paragas na nagwagi ng Reel Asian Best Feature Film Award noong 2019 sa Toronto International Film Festival sa kanyang obrang Yellow Rose; si Zig Dulay na pinarangalan ng Golden Cyclo sa 2018 Vesoul International Film Festival of Asian Cinema sa France; sa singer/vocalists na sina Marlon Macabaya at Denise Melanie Du Lagrosa na kapwa nagkamit ng first at second place sa Stars of Albion Grand Prix 2019 sa London at ang artist na si Worth Lodriga na sa edad na pito (7) noong 2017 ay nagwagi ng first place sa Student Mars Art Contest sa Estados Unidos.
Nakakataba ng puso at talagang tataas ang noo natin sa tuwa na may mga kababayan tayong kinilala sa mga internasyonal na parangal.
Ilan lang ang mga nabanggit nating Pinoy artists sa mga talento nating tumanggap ng international awards. Panigurado, darami pa sila sa pagdaan ng panahon kung mabibigyan lamang sila ng suporta sa paghulma sa kanilang galing at talino.
Kung may suporta kasi ang gobyerno sa ating artists, marami ang tiyak na mahihikayat na lalo pang pag-igihin ang kanilang galing. Kung magkakaganoon, hindi na mahuhuli ang mga Filipino artists sa mga parangal na pandaigdig.
Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit itinutulak ko ngayon sa Senado ang Senate Bill 2466 o ang Artists Incentives Act of 2021. Ano po ba ito? Ito po ay isang panukala na naglalayong pagkalooban ng cash incentives ang ating Filipino filmmakers, film production entities, literary writers, artists at performers sa creatives sector na nagwagi ng pinakamataas na international awards o kaya naman ay pinarangalan sa international competitions.
Base po sa ating panukala, ang mga kababayan nating makapag-uuwi sa bansa ng pinakamataas na parangal mula sa international competitions, film festivals or exhibitions at kinikilala ng National Commission for Culture and the Arts, Film Development Council of the Philippines at ng Cultural Center of the Philippines, ay pagkakalooban ng cash grant na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Halagang P500,000 naman para sa mga kababayan nating tatanggap ng special recognition o mga parangal na mas mababa sa highest award na iginagawad sa mga international competition at exhibition.
Sa totoo lang, napakarami nating magagaling na talents dito sa bansa. At marami rin sa kanila ang hindi pa nahuhulma at ‘di pa sumusuong sa mas malaking bahagi ng kanilang industriya. At sa pamamagitan ng panukala nating ito na nagbibigay ng cash incentives sa ating artists, tiyak na marami sa kanila ang mahihikayat na mas hasain ang kanilang galing upang maabot ang kanilang pinapangarap na estado sa kanilang napiling propesyon. Magiging sandigan nila ito upang sa mga darating na panahon ay maranasan din nilang makatanggap ng parangal at pagkilala sa ibayong dagat.
Marami tayong maitutulong sa Filipino artists tulad ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong mas mapahusay ang kanilang talento. Maging ang ating gobyerno, maaaring makipagtulungan sa pribadong sektor para makapagpatayo ng mga dagdag na concert venues, dance studios, galleries at art houses kung saan mailalagak ng ating creative workers ang kanilang mga obra o kaya nama'y sanayin ang kanilang talento sa napiling sining.
At habang patuloy tayong bumabangon mula sa bagsik ng pandemya, umasa tayo na darami pa sa ating mga talentadong kababayan ang makikilala sa kani-kanilang kinabibilangang larangan sa mga pandaigdigang kompetisyon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments