ni Mylene Alfonso @News | October 4, 2023
Hiniling ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, principal sponsor ng Increased Social Pension of Indigent Senior Citizens Law, sa Department of Budget and Management (DBM) na siguruhing may nakalaang pondo para sa dagdag na buwanang social pension ng mga indigent senior citizen.
Sa 2024 National Expenditure Program, naglaan ng P49.80 bilyon para sa P1,000 kada buwan na social pension ng mga indigent senior citizen.
Subalit, iginiit ni Villanueva na sa taong 2023, nananatiling P500 kada buwan ang social pension ng mga indigent senior citizen, kahit na naipasa ang batas na nagdodoble sa halaga nito noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, P25.30 bilyon ang inilaang pondo para sa social pension ng mga indigent senior citizen. May inilaan ding P25 bilyon sa ilalim ng unprogrammed funds para sa dagdag-pensiyon.
Mandato ng Republic Act No. 11916, inisponsoran ni Villanueva noong 18th Congress, na dagdagan ng 100 porsyento ang buwanang pensiyon – P1,000 mula sa dating P500 – ng mga indigent senior citizen, na tinatayang nasa 4.1 milyon sa kasalukuyan.
Comentarios