ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 16, 2023
Marami sa ating mga kababayan ang nakararanas ng sakit na cancer.
Gayunpaman, hindi lamang ito problema sa ating bansa kundi isang pandaigdigang suliranin din. Kaya naman, bilang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy kong isinusulong ang pagdagdag sa pondo ng Cancer Assistance Fund sa ilalim ng Department of Health.
Noong nakaraang taon, naglaan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng P250 milyon na pondo para sa CAF. Pero hindi tayo tumigil doon. Sa Senado, dinagdagan pa natin ito at umabot sa kabuuang halaga na P500 milyon ang pondo nito para sa taong 2023.
Sa kabila nito, naniniwala tayo na hindi pa rin ito sapat. Kaya para sa susunod na taon, isinusulong natin, sa tulong ng ating mga kapwa mambabatas, na madoble ang CAF at maging P1 bilyon na ang pondo. Alam kong kulang na kulang pa rin ito sa rami ng mga nagkakasakit ng cancer. Pero naniniwala ako na isang hakbang ito tungo sa tamang direksyon.
Ang pagdami ng mga kaso ng cancer ay nangangailangan ng mas proactive na response mula sa gobyerno. Ang pagpapalakas ng CAF ay hindi lamang magbibigay-ginhawa sa financial constraints ng mga pasyente, kundi maging sa kanilang mga pamilya. Ito rin ay naaayon sa National Integrated Cancer Control Act na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
Sa ilalim ng NICCA, may access ang mga cancer patients sa tulong pinansiyal para sa kanilang iba’t ibang pangangailangan — mula sa screening tests hanggang sa specialized treatments. Kaya naman, patuloy kong ipinaglalaban ang mas malaking alokasyon ng pondo para sa CAF. Bawat piso na ilalagay natin dito, buhay ang ating nasasagip.
Ngunit, hindi lang ito tungkol sa cancer. Ipinaglalaban ko rin ang pagdagdag sa kabuuan ng ating health budget. Mahalaga ang kalusugan ng bawat Pinoy, lalo na ngayon na marami tayong mga pagsubok na hinaharap. Dapat ay one step ahead tayo at nararapat lamang na may sapat na budget ang gobyerno para maalagaan nito ang kalusugan ng kanyang mga mamamayan. Lagi nating tandaan na ang katumbas ng kalusugan ay buhay ng bawat kababayan!
Maliban sa pagtataguyod ng karapatan ninyo sa Senado, tuluy-tuloy din ako sa pagbaba sa grassroots upang personal na makumusta ang kalagayan ng ating mga kababayan dahil bisyo ko na ang magserbisyo.
Nitong September 14, sumama tayo sa isinagawang salo-salo sa Davao City kasama ang mga opisyal ng Commission on Higher Education, University of the Philippines System, at mga pinuno ng State Universities and Colleges ng bansa para ipagdiwang ang pagkatalaga ng kapwa ko Mindanaoan na si Atty. Angelo Jimenez bilang ika-22 Presidente ng Unibersidad ng Pilipinas.
Kinaumagahan, September 15, dumalo tayo muli sa kanilang pagtitipon sa imbitasyon ni CHED Chair Prospero de Vera. Nanawagan ako ng pagkakaisa at pakikipagtulungan ng mga SUCs kasama na ang UP, CHED at iba pang ahensya ng gobyerno, at mga kapwa ko mambabatas na patuloy nating isulong ang mga inisyatibo para sa kinabukasan ng mga kabataan dahil ang maayos na edukasyon ang tanging puhunan natin sa mundong ito.
Ito rin ang rason kung bakit isinabatas noong panahon ni dating P-Duterte ang Republic Act No. 10931, o ang Universal Access To Quality Tertiary Education Act. Ako rin ay nag co-author at co-sponsor ng panukalang Senate Bill No. 1360 na layuning mas palawakin pa ito lalo.
Pagkatapos ay dumiretso tayo sa Bislig City, Surigao del Sur para makiisa sa 23rd Charter Day celebration ng Bislig. Namahagi rin tayo ng mga grocery packs sa 32 new couples sa ginawang kasalang bayan doon. Dinaluhan din natin ang pagbubukas ng ika-159 na Malasakit Center sa Bislig District Hospital, kung saan namahagi tayo ng personal na tulong para sa mga pasyente at front liners.
Samantala, mula noon hanggang ngayon, patuloy tayong sumusuporta sa mga programang pangkabuhayan lalo na yung mga makakatulong sa mga mahihirap na nahaharap sa krisis. Sa ating pakikipagtulungan, ang Department of Trade and Industry ay nagbibigay ng mga negosyo kits sa mga kuwalipikadong benepisyaryo at tinuturuan sila kung paano palalaguin ang kanilang mga negosyo para mapakinabangan ng pamilya ang kanilang kikitain.
Nagbigay tayo ng karagdagang suporta sa mga benepisyaryo ng programang ito.
Kabilang sa mga natulungan natin ay ang 20 mula sa Dipaculao, Aurora; 57 sa Sanchez Mira at Abulog, Cagayan; 100 na naapektuhan ng lindol sa Montevista at New Bataan, at 50 sa Nabunturan sa Davao de Oro; 196 sa Malalag at Sulop, Davao del Sur; 20 sa Mangatarem, Pangasinan; 21 na biktima ng bagyong Egay sa Pigcawayan, North Cotabato; 132 na shear line victims sa Gingoog City, Misamis Oriental; at 36 na benepisyaryo mula sa Lutayan at Columbio, Sultan Kudarat at General Santos City.
Patuloy din ang aking suporta sa pamimigay ng emergency housing assistance ng National Housing Authority sa mga nasalanta ng sakuna upang makabili sila ng yero, pako at iba pang materyales pampaayos ng bahay. Nagbigay tayo ng karagdagang tulong sa mga benepisyaryo nito, kabilang ang 85 na biktima ng sunog sa Imus City, Cavite, at 65 sa Bacolod City, Negros Occidental.
Nagkaloob din tayo ng tulong sa 75 na TESDA graduates sa Victorias City, Negros Occidental.
Namahagi naman tayo ng dagdag na suporta sa mga manggagawang nawalan ng trabaho na benepisyaryo ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment, kabilang ang 413 sa Talibon, Bohol; at 150 sa Plaridel, Bulacan. Nagbigay din tayo ng dagdag na tulong sa 333 na mahihirap na residente sa Paluan, Occidental Mindoro; at 234 sa Antipolo City, Rizal.
Noong September 15, dumalo ang aking opisina sa groundbreaking ng Super Health Centers sa New Washington at Malay sa probinsya ng Aklan.
Ang laban kontra cancer ay laban ng bawat Pinoy. Walang pinipili ang sakit na ito, at maaaring tamaan nito ang sinuman sa atin o ang ating mga mahal sa buhay. Kaya’t napakahalaga na magkaisa tayo sa layunin nating labanan ito.
Kaya’t hinihikayat ko rin ang bawat isa sa inyo na makiisa sa labang ito. Magtulungan tay upang makamit natin ang de-kalidad na serbisyong medikal na ating sandata upang wakasan na ang public health problem na ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments