ni Gina Pleñago @News | September 19, 2023
Nasa P15 milyong halaga ng ilegal na droga na nakatago sa sampung abandonadong parcel na natuklasan ng PDEA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group at Bureau of Customs (BOC) sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Port of NAIA, Domestic road, sa Pasay City.
Ayon kay BOC Port of NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, naharang ang sampung abandoned parcel na galing sa iba't ibang bansa ng mga awtoridad matapos na madiskubre na naglalaman ang mga ito ng ilegal na droga.
Hindi nakalusot nang dumaan sa x-ray scanning machine ang limang abandonadong parcel kung saan naglalaman ng halos 544ml liquid marijuana na may tinatayang street value na P32,640.
Habang ang lima pang kargamento ay naglalaman naman ng 8,446 piraso ng ecstasy tablets at 924 grams ng raw materials na may street value na aabot sa P14,358,200.
Naglalaman ng liquid marijuana ang mga parcel na nagmula sa Taipei Taiwan, Ireland, at Malaysia na naka-consignee naman sa mga taong nakatira sa Dumaguete, Talisay City, Zamboanga City, Misamis Oriental, at Loyola Heights, Quezon City.
Habang ang limang parcel naman na naglalaman ng ecstasy tablets ay nagmula sa France, Amsterdam, at Netherlands na nakapangalan sa limang personalidad na nakatira sa Caloocan City, Laging Handa, Quezon City, Pasay City at Bacoor City, Cavite.
Commentaires