top of page
Search
BULGAR

P14.5 M sa agrikultura, P2.4 sa imprastraktura, winasak — NDRRMC.. 3 patay, 5 sugatan sa bagsik

ng Habagat



ni Lolet Abania | July 25, 2021



Tatlo ang nasawi habang lima ang nasugatan mula sa hilagang bahagi ng bansa dulot ng Southwest Monsoon o Habagat dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan at matinding bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Pilipinas.


“Mayroong tatlong casualty, patay, at saka five injured, pero hindi ito related sa landslides at flooding,” ayon sa executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na si Ricardo Jalad sa interview ngayong Linggo.


Ayon kay Jalad, isa sa mga nasawi ay dahil sa aksidente sa kalsada na matatagpuan sa Kennon Road sa Cordillera Administrative Region. Namatay ang biktima matapos na isang puno ang bumagsak sa kanyang sasakyan habang bumibiyahe at dalawa na nasa loob din ng kanyang sasakyan ang nasugatan.


Mula naman sa Region 1, dalawa ang namatay dahil sa naganap na mga pagkidlat. Samantala, sa report ng NDRRMC ngayong Linggo nang umaga, umabot na sa 87,493 indibidwal o 19,521 pamilya sa 212 barangay ang apektado sanhi ng Habagat na pinalakas pa ng Bagyong Fabian. May kabuuang 24,798 indibidwal ang inilikas, kung saan 22,693 sa kanila ay nananatili sa mga evacuation centers.


Ayon sa NDRRMMC, ang mga apektadong lugar ay ang Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Region 6, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR).


Kahapon, nai-report ng NDRRMC na mahigit sa 14,000 katao ang dinala sa evacuation centers kasabay ng monsoon rains na patuloy na bumubuhos sa Metro Manila at iba pang lugar. Nakaranas naman ng pagkawala ng supply ng kuryente sa 12 munisipalidad at siyudad, habang pito sa nasabing lugar ay naibalik na ang supply ngayong Linggo nang umaga.


Nasa kabuuang 178 barangays naman ang binaha sa bahagi ng Region 3, Mimaropa at NCR. Gayunman, humupa na ang mga baha sa 15 barangays bandang alas-8:00 ng umaga. Pitong mga kalsada at apat na tulay naman ang hindi madaanan ngayon sa Region 3, Mimaropa, Region 6 at CAR, habang nasa 24 rain-induced landslides ang nai-report mula sa Region 1, Calabarzon, Mimaropa, Region 6, at CAR. Gayundin, nagkaroon ng pagguho ng malaking tipak ng bato at mudflow sa CAR.


Ayon pa sa NDRRMC, aabot sa tinatayang P14,593,900 ang halaga ng pinsala sa agrikultura na idinulot ng monsoon rains, kung saan nasa apat na ektarya ng mga pananim at mga palayan ang nawasak dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan sa Region 1. Samantala, aabot naman sa P2,418,000 ang napinsalang mga imprastraktura sa Regions 1 at 6, kabilang dito ang 374 mga kabahayan sa Region 3, Calabarzon, Region 6, CAR at NCR. Gayunman, sinabi ng NDRRMC, naglabas na ng assistance ang pamahalaan para sa mga apektadong lugar sa Regions 3, 6 at CAR.


Paliwanag ni Jalad, kalahati ng pondo ng NDRRMC sa ilalim ng 2021 national budget ay nagastos na, subalit aniya, maaari pa silang humingi ng karagdagang pondo mula sa Department of Budget and Management. “Kukuha sa ibang budget but of course mayroong gastusin na masasakripisyo,” sabi ni Jalad.


Matatandaang nagbabala ang PAGASA na ang monsoon rains na pinalakas pa ng Bagyong Fabian at Tropical Storm Nepartak ay makakaapekto nang husto sa Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Calamian Islands ngayong Linggo, kahit pa ang Bagyong Fabian ay umalis na sa Philippine Area of Responsibility nitong Sabado.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page