ni Lolet Abania | April 24, 2022
Nakapagpamahagi na ang Department of Agriculture (DA) ng P12 milyon mula sa P1.1-billion fuel subsidy para sa mga magsasaka ng mais at mangingisda sa buong bansa na layong mabawasan nito ang epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa kanila.
Sa isang interview ngayong Linggo, sinabi ni DA Assistant Secretary Noel Reyes na ang mga nakarehistrong magsasaka sa ilalim ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at mga mangingisda sa ilalim naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay binigyan ng P3,000 fuel subsidy.
“Ang priority muna ‘yung mga nakalista na. So, we’re still encouraging others to have their names registered sa RSBSA. Patuloy naman po ‘yung registration dahil nakaka-P12 million pa lang kami sa buong bansa,” saad ni Reyes.
Paliwanag ni Reyes, ang P1.1 bilyong alokasyon para sa programa ay napondohan sa pamamagitan ng P500 milyong halaga mula sa 2022 budget, at ang natitirang P600 milyon ay mula naman sa inaprubahan kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Reyes, tinatayang 300,000 magsasaka ng mais at mangingisda ang mabebenepisyuhan mula sa naturang programa.
Samantala, in-exempt ng Commission on Elections (Comelec) ang subsidy programs ng DA para sa mga eligible na mga magsasaka at mangingisda mula sa election spending ban, kung saan kinumpirma ito ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Miyerkules.
Tinanong naman si Reyes kung ang alokasyon ng nasabing fuel subsidy ay magpapatuloy ngayong buwan, aniya, “Oo, itong katapusan. Itong remaining days and towards the elections. Hanggang matapos, basically. Hanggang maibigay lahat.”
Maliban sa fuel subsidy, sinabi ni Reyes na ang DA ay nagbigay din ng P5,000 aid sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance, na exempted din mula sa election spending ban.
תגובות