ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 8, 2020
Tatanggap ng P10,000 cash assistance ang mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly mula sa pamahalaan, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ang National Housing Authority (NHA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pamamahagi ng cash aid, ayon kay DHSUD Secretary Eduardo del Rosario.
Aniya, “Magbibigay tayo ng P5,000 para sa mga partially damaged at P10,000 na tulong sa mga totally damaged na houses. “Ang NHA at DSWD, meron itong pondo na nakalaan, pondo para sa immediate financial assistance na puwedeng ibigay sa mga kababayan natin na ang kanilang mga bahay ay naapektuhan.”
Target na ipamigay ang cash assistance sa mga biktima ng Bagyong Rolly sa Bicol, Calabarzon at Mimaropa sa Miyerkules.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense-Region V, umakyat na ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Rolly sa Bicol Region sa 21; 13 sa mga ito ay mula sa Albay; 2 sa Camarines Sur; at 6 sa Catanduanes. Tinatayang aabot naman sa 292,728 kabahayan ang nasira, ayon sa OCD.
Comentarios