ni Lolet Abania | January 5, 2021
Isang mambabatas ang nag-alok ng P100,000 reward sa bawat suspek na maaaresto kaugnay sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) na diumano'y pinagdroga at hinalay.
"Hustisya ang panawagan natin at tiyaking mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen na ito," sabi ni ACT-CIS party-list Representative Eric Yap.
Ayon sa report, natagpuan ang bangkay ni Christine Dacera sa isang hotel room sa Makati matapos na mag-celebrate ng Bagong Taon kasama ang mga kapwa cabin crew at kaibigan.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, posibleng hinalay ang biktima dahil sa ginawang pagsusuri sa bangkay na may abrasions at hematoma o mga pasa sa hita at tuhod.
Lumalabas na pinagdroga umano ang biktima at ginahasa. Napag-alaman din na hindi umano alam ng biktima na marami silang nasa hotel na tinatayang nasa siyam hanggang sa 11 suspek.
Sa 11 suspek, kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong naaresto na sina John Pascual Dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; at John Paul Reyes Halili, 25.
Ayon kay Yap, magbibigay siya ng P100,000 pabuya sa makapagtuturo sa iba pang suspek.
"Walang taong nasa tamang pag-iisip ang makakagawa ng pang-aabusong ito at nararapat lang na mapanagot kayo kung mapapatunayan na may kinalaman kayo," ani Yap.
Comments