top of page
Search
BULGAR

P100K multa at kulong sa kasong grave threats

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 19, 2024

 

Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang gabi, nakiusap ako sa aking bagong kapitbahay na hinaan niya ang tunog ng kanyang musika dahil hindi ako makapag-focus sa aking pag-aaral.


Ngunit sinabihan niya ako na huwag ko siyang utusan.  


Kinabukasan, sinabihan ko siya na dahil sa manipis naming pader ay tumatagos ang kanyang musika kaya hindi ako makapag-aral nang mabuti. Nagalit siya at nagbantang iitakin niya ang aking leeg. Kinabahan ako sa sinabi niya sapagkat hindi ko man siya personal na kilala, nakita ko ang kanyang pisikal na katayuan.


Malaki ang kanyang pangangatawan at hindi malayong kaya niyang gawin ang banta niya sa akin. 


Simula noon, natakot na talaga akong lumabas ng aking unit. Mayroon bang legal na aksyon na maaari kong isampa laban sa aking bagong kapitbahay? - Eric


Dear Eric, 


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 282 ng ating Revised Penal Code, nakasaad na:


“Art. 282. Grave threats. – Any person who shall threaten another with the infliction upon the person, honor or property of the latter or of his family of any wrong amounting to a crime, shall suffer:


1. The penalty next lower in degree than that prescribed by law for the crime he threatened to commit, if the offender shall have made the threat demanding money or imposing any other condition, even though not unlawful, and said offender shall have attained his purpose. If the offender shall not have attained his purpose, the penalty lower by two (2) degrees shall be imposed.


If the threat be made in writing or through a middleman, the penalty shall be imposed in its maximum period.


2. The penalty of arresto mayor and a fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000), if the threat shall not have been made subject to a condition. (As amended by R.A. No. 10951)”


Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang sinumang magbanta sa buhay, dangal, o ari-arian ng ibang tao, o sa kanyang pamilya, ng anumang sakuna na makokonsiderang krimen, ay maaaring mapanagot sa ating batas sa pamamagitan ng pagkakakulong at pagbabayad ng multa.


Sa iyong sitwasyon, ang pagbanta sa iyong buhay ng kapahamakan ng iyong kapitbahay, sa pamamagitan ng pagtaga sa iyong leeg ay makokonsiderang grave threat na may angkop na parusa ito sa ilalim ng Artikulo 282 ng Revised Penal Code.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page