ni Lolet Abania | December 20, 2021
Napagkasunduan ng Metro Manila mayors na magbigay ng P100 million na savings mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na gobyerno na apektado ng Bagyong Odette.
Sa isang statement ngayong Lunes, ayon sa MMDA ang Metro Manila Council (MMC), sa pamamagitan ng isang resolusyon, ay maglalabas ng pondo para makatulong sa mga biktima ng bagyo.
“We are going to prioritize local government units stricken by tropical cyclone wind signal number 4 of Typhoon Odette,” ani MMDA chairperson Benhur Abalos.
“This financial aid will help especially in these trying times. It’s Christmas after all, a time of sharing and giving,” sabi pa ni Abalos.
Samantala, ayon sa Philippine National Police (PNP), umakyat na sa 211 ngayong Lunes ang mga nasawi dahil sa Bagyong Odette.
Sa update ng PNP, nasa 129 ang namatay sa Central Visayas, 41 sa Caraga, 24 sa Western Visayas, 10 sa Northern Mindanao, 6 sa Eastern Visayas, at isa sa Zamboanga.
Base pa sa PNP, nasa kabuuang 239 indibidwal ang nasugatan, habang 52 ang nawawala.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa kabuuang 442,424 katao ang lumikas habang 385,086 indibidwal naman ang inilagay sa preemptive evacuation.
Gayundin, may kabuuang 997,665 katao o 276,522 pamilya mula sa 2,961 mga barangay ang labis na naapektuhan ng bagyo. Habang tinatayang 2,435 evacuation centers ang inilaan sa mga biktima ni ‘Odette’.
Sinabi rin ng NDRRMC na mayroong 3,803 tirahan at 16 na infrastructures ang napinsala dahil sa Bagyong Odette. Umabot sa kabuuang P225,170,000 halaga ng imprastraktura ang nai-report na nawasak.
Nasa P118,284,774 halaga naman ang napinsala sa agrikultura, kabilang na ang 5,391 ektarya ng mga pananim at 15 livestock at poultry dahil sa bagsik ng naturang bagyo.
Comments