ni Madel Moratillo | June 20, 2020
Photo: BOC Philippines
Aabot sa mahigit 1 milyong pisong halaga ng marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Port of Clark sa Pampanga.
Ayon sa BOC, aabot sa 966 gramo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P1.1 milyon ang nadiskubre sa isang ipinadalang bagahe mula sa Estados Unidos.
Ang shipment ay idineklara umano bilang mga “art-work fine” mula sa California, USA na
dumating sa bansa nitong Hunyo 9.
Ayon sa BOC, sumailalim sa profiling ng mga tauhan ng Customs at isinalang din sa x-ray examination ang nasabing shipment.
At sa physical examination, nadiskubre ng kanilang mga tauhan ang dalawang vacuum-sealed na plastic packs kung saan nakatago ang marijuana.
Nai-turnover na ang mga ito sa Philippine Drug Enforcement Agency sa Region 3.
Hindi naman tinukoy ng Customs kung sino ang nagpadala ng shipment at kung sino ang dapat sana’y tatanggap nito dito sa bansa.
Noong Marso lamang, 13.2 milyong pisong halaga ng marijuana na tinangkang ipuslit sa bansa ang nasabat din sa Port of Clark.
Commentaires