ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 11, 2022
Shocked tayo sa ulat na may walong batang nagpositibo sa COVID-19 matapos maglaro sa tabing-dagat, kung saan itinapon ang mga medical waste sa Catanduanes! ‘Kalokah!
Hay naku, nakakairitang kapabayaan ang ganyan na kung saan-saan na lang itinatapon ang mga nagamit nang syringe, facemasks, antigen test kits, lagayan ng dugo at ihi, at PPEs, ano bah?!
Eh, anong saysay ng pag-iingat nating lahat na gumamit ng mga PPEs, facemask para maiwasan ang mga hawahan ng virus, kung tayo rin mismo ang dahilan para kumalat ito dahil sa mga basurang ‘yan?! Juicekolord!
Ano ba namang klaseng diagnostic center ‘yan sa Catanduanes, ano bang kaisipan meron ‘yan na malakas ang loob na magtapon ng hazardous waste sa baybaying-dagat?
Bakit nakalulusot ang mga ganyan? Santisima!
‘Wag namang pasaway! Kapag nagtapon tayo ng mga COVID-medical waste sa hindi tamang lugar, tayo, pamilya natin o kamag-anak o kaibigan natin ang madadale at magkakasakit! Naku, kay tatanda na natin, wala pa ring disiplina! Saka, wala ba kayong malasakit sa kalikasan?
IMEEsolusyon sa matitigas ang ulo at lumalabag sa batas sa tamang pagtatapon ng basura, sampolan agad ng kaso at parusa ng mga barangay o mga LGUs. Lagyan ng ngipin ang pagpapatupad sa mga batas o polisiya!
Alinsunod sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, inaatasan ang mga local government units o LGU sa wastong pagkolekta, recycling at pagtatapon ng mga basura, lalo na ang mga nakalalason at hazardous medical wastes.
At ang mga pasaway na hindi marunong magtapon sa tamang lugar ng medical waste at lalabag sa Sec. 48, pars. (14), (15) and (16), ay mumultahan ng P100,000 hanggang P1,000,000 at maaari rin mabilanggo ng isang taon hanggang anim na taon.
O, hayan ang mga parusa, ha? Harinawa’y wala nang maglalakas-loob at matigas ang ulong walang patumanggang magtatapon ng medical waste kung saan-saan lang!
Sa paglaban sa pandemya, bawat isa sa atin may responsibilidad at pananagutan, mapa-indibidwal man at institusyon, tulad ng mga ospital at diagnostic center. Hindi huhupa ang COVID-19 ng ganun lang kung hindi tayo magtutulungan!
Kaya plis, ‘wag na tayong maghintay na makasuhan pa, kusang loob na tayong mag-ingat at maging responsable para hindi na kumalat pa ang nakamamatay na virus na sumira hindi lang sa buhay ng mga Pilipino kundi sa buong mundo. Agree?
Comments