ni Mai Ancheta @News | August 15, 2023
Bigo ang transport group na mapagbigyan sa hirit na dagdag-pisong rush hour rate upang makatulong kahit papaano sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chief Teofilo Guadiz III, mataas ang pisong hirit na dagdag-pasahe tuwing rush hour.
Mabigat aniya para sa mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney ang pisong dagdag sa pamasahe.
"I think it's too high even one peso for me is a little bit too high. Masyadong masakit sa bulsa
ng mga mananakay," ani Guadiz.
Matatandaang naghain ng petisyon ang ilang transport group para sa dagdag-pisong singil tuwing rush hours upang hindi umano malugi ang mga pampublikong tsuper sa matinding trapik.
Batay sa petisyon, ang paniningil ng surge charge ay mula 4:00am-8:00am; at 5:00pm hanggang 8:00 pm.
Sinabi ni Guadiz na wala ng bisa ang petisyon dahil naghain ng panibagong petisyon ang transport groups para sa dagdag-P2 sa pasahe.
Nakatakdang dinggin ng LTFRB sa susunod na linggo ang panibagong petisyon ng transport groups para sa hirit na dalawang pisong dagdag-pasahe .
Comments