ni Thea Janica Teh | November 18, 2020
Naglaan ng P1.8 bilyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang lubos na naapektuhan ng dumaang mga bagyo.
Sa inilabas na pahayag ng DOLE, naglaan umano ito ng P312 milyon para sa mga kuwalipikadong manggagawa sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at P307 milyon naman para sa mga informal sector workers sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Cagayan Valley.
Bukod pa rito, namahagi rin ang DOLE ng 100 fiberglass boots para sa mga mangingisda sa Cagayan province na nagkakahalaga ng P10 milyon. Naglaan din ng P14 milyon para sa 3,000 informal sector workers sa Calabarzon.
Tinatayang nasa P190 milyon naman ang inilaan para sa 34,000 apektadong manggagawa sa Mimaropa habang P500 milyon naman para sa 74,000 manggagawa sa Bicol.
Nasa P24 milyon ang inilaan para sa apektadong manggagawang kabilang sa pribadong sektor na ipinamahagi noong Martes.
Matatandaang hinagupit ng Bagyong Rolly, Quinta at Ulysses ang ilang parte ng Luzon kaya idineklara ang ilang lugar sa state of calamity.
Comments