ni Melba Llanera @Insider | Jan. 10, 2025
Nagpalipas ng gabi sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarter si Rufa Mae Quinto dahil hindi natapos ang proseso ng pagpipiyansa niya sa kasong 14 counts of violation ng Section 8 ng Securities Regulation Code.
Napagsarhan sila ng business hours ng NBI, kaya hindi natapos ang pagpipiyansa niya.
Ito ay may kinalaman sa kasong isinampa rin noong nakaraang taon sa aktres na si Neri Naig, kung saan nag-file ng reklamo ang ilang investors ng beauty clinic na Dermacare na pag-aari ni Chanda Atienza.
Umabot sa P1.7 milyon ang halaga ng piyansa ni Rufa Mae para sa 14 counts kung saan P126,000 thousand ang halaga ng bawat kaso.
Pinaninindigan ng sexy comedienne na katulad ng iba ay biktima lang din siya at ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Mary Louise Reyes ay may utang pa ang beauty clinic dahil hindi pa nababayaran si Rufa Mae sa pag-eendorso nito.
Ang kahanga-hanga lang kay Rufa Mae ay boluntaryo itong sumuko, kung saan nu’ng dumating ito ng bansa nu’ng January 8 mula sa Amerika ay sinalubong na sa airport ng NBI officers dahil nakipag-ugnayan na rin ang abogado niya sa tanggapan.
Sa nangyaring ito kina Rufa Mae at Neri, aral at babala na ito sa mga celebrities natin na mag-ingat at mag-background check na rin sa mga ieendorso nilang produkto para makaiwas na rin sila sa ganitong senaryo, lalo’t hindi biro ang masampahan ng kaso.
Napili ng Ahon Mahirap Partylist first nominee na si Wilbert Tolentino ang mga Malabonians para pagkalooban ng e-trikes at bigas.
Kasama ang mayor ng Malabon na si Mayor Jeannie Sandoval at mga kapitan na nasasakupan nito nang mamahagi siya ng kanyang mga donasyon.
Sa interbyu namin kay Wilbert ay ikinuwento nito na ang Malabon ang isa sa mga unang yumakap sa Ahon Mahirap, kung saan marami sa mga taga-Malabon ay miyembro ng organisasyon.
Dahil dito, itinuturing na niya ang bayan na pangalawang tahanan niya. Ang naturang bayan din ang isa sa mga pinagkalooban ng Ahon Mahirap ng tulong noong tumama ang malalakas na bagyo sa bansa tulad ng Kristine at Carina.
Kinumpirma rin sa amin ni Wilbert na si Herlene Budol ang mukha ng Ahon Mahirap, kung saan isa sa magandang ehemplo ang Kapuso actress ng taong nagmula sa hirap, nagsikap, umahon, at ngayon ay nararating na ang mga pangarap sa buhay tulad ng maging beauty queen at artista.
Hindi man siya ang manager nito sa ngayon, ay hindi napuputol ang magandang samahan nilang dalawa.
Natanong nga namin si Wilbert kung ano ang payo niya kay Hipon Girl nang masangkot sa kontrobersiya ng hiwalayang Rob Gomez at Shaila Rebortera.
Ayon kay Wilbert, ipinakita sa kanya ng dating alaga ang palitan ng mga mensahe nito kay Rob, at masasabi niya na nadagdagan at nabawasan ng iba ang convo ng dalawa at pinalabas na may relasyon na namamagitan sa mga ito.
Ang payo niya kay Herlene ay gumawa ng official statement para klaruhin ang balita, lalo’t wala itong kasalanan.
Sa Ahon Mahirap Partylist first nominee rin namin nalaman na pagkalipas ng dalawang taon, anuman ang maging kapalaran niya sa public service ay muli siyang sasabak sa pageantry.
Siniguro sa amin ni Wilbert na hindi niya gagawin ang mangurakot na siyang sakit ng karamihan sa mga pumalaot sa pulitika. Hindi pala siya kumukuha ng komisyon sa mga naging alaga tulad nina Herlene at Madame Inutz, at in fact, siya pa raw ang naglalabas ng pera para tumulong sa mga ito at sa iba pang nangangailangan.
Comments