ni Ryan Sison @Boses | Feb. 15, 2025

Nagiging talamak na talaga ang smuggling sa ating bansa dahil hindi na lang simpleng mga gamit ang naipupuslit kundi pati na rin mamahaling mga sasakyan.
Batay sa Bureau of Customs (BOC), umaabot sa mahigit P1.4 bilyon ang nasabat na mga umano’y puslit na luxury vehicles sa loob ng warehouse sa Pasay at Parañaque na ibinebenta raw online.
Sa isang pahayag sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang nagkasa ng operasyon upang tiyakin kung legal ba ang mga nasabing sasakyan at kung binabayaran ang buwis ng mga ito.
Aniya, nakuha sa warehouse sa Pasay City ang mga sasakyang Ferrari LaFerrari, Lamborghini McLaren, Maserati, Rolls Royce, Mercedez Benz, Maybach, Range Rover, Bentley, Alphard, and Jeep Wrangler. Samantalang, Rolls-Royce Cullinan, Ferrari SF90 Stradale and Mansory, Mercedes-Benz V-Class, Maybach, at BMW sa Parañaque.
Binigyan-diin naman niya na matinding estratehiya ang ipapatupad ng kagawaran na naglalayong maging mas proactive sa kanilang enforcement effort upang magbigay ng mensahe sa mga importer na inaakalang ligtas na sila matapos na ang kanilang mga produkto ay lumabas na sa mga port.
Ayon naman sa direktor ng CIIS, dumating ang mga naturang luxury vehicle nitong buwan lamang at agad nilang bineripika ang mga impormasyon bago isinagawa ang operasyon. Aniya, sealed na at nagtalaga sila ng security personnel sa mga nasabing warehouse para i-secure ang lugar.
Binanggit din niya na nakatanggap na ng Letter of Authority (LOA) ang mga owner, lessees, lessors, occupants, representatives ng warehouse habang binigyan sila ng 15 days mula sa receipts ng LOA para makapagsumite ng mga kaukulang dokumento na nagpapatunay na nabayaran ng tamang buwis ang mga ito.
Ibang klase rin ang mga nagmamay-ari ng mga luxury car na ito dahil tila gusto nilang ipuslit ang mga nasabing sasakyan. Baka rin nga naman makalusot at matakasan nila ang magbayad ng tax sa ating gobyerno. Ang mabigat pa rito ibinebenta ang mga mamahaling sasakyan online.
Sa ganang akin, dapat tiyakin ng mga may-ari ng ganitong sasakyan na may kaukulan silang dokumento at nagbabayad din ng tamang buwis para rito.
Kumbaga, may pambili sila ng mamahaling sasakyan pero wala namang maayos na mga papeles at hindi pa bayad ang tax nito. Malinaw na ito ay isang uri ng pandaraya.
Kaya tama ang isinagawang operasyon ng kinauukulan sa mga naturang warehouse upang mapanagot ang sinuman kung mayroong nagawang paglabag.
Sana ay makaisip ang ating gobyerno ng paraan upang tuluyang maresolbahan ang problema ng smuggling sa bansa na nagpapahirap at nagdudulot ng pagkalugmok ng ating ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments