ni Mylene Alfonso | April 14, 2023
Naglabas ng kabuuang P1.1 bilyong pondo ang Department of Budget and Management (DBM) sa National Food Authority (NFA) para sa one-time rice assistance sa lahat ng mga kwalipikadong empleyado at manggagawa sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa isang pahayag, sinabi ng DBM na inaprubahan ni Secretary Amenah Pangandaman ang P1,182,905,000 Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) noong Abril 12, 2023.
Inihayag ng Budget Department na makikinabang sa rice assistance ang 1,892,648 government workers, kabilang ang Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel.
Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang Administrative Order No. 2 na nagbibigay ng one-time assistance na uniform quantity na 25 kilo ng bigas para sa lahat ng kwalipikadong empleyado.
Nabatid na ibibigay ang rice assistance sa mga empleyado na nagbigay serbisyo hanggang noong Nobyembre 30, 2022.
Comments