ni Ryan Sison - @Boses | May 15, 2021
Mula ngayong araw, balik na sa general community quarantine (GCQ) with ‘heightened restrictions’ ang Metro Manila at mga kalapit-lalawigan, habang ang maraming lugar naman sa bansa ay nasa modified general community quarantine (MGCQ).
Kasabay ng pagbaba ng quarantine restrictions ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal sakaling magkaroon ng anumang pagdiriwang ng pista dahil sila umano ang dapat managot sa posible pang pagkalat ng COVID-19.
Samantala, base sa datos ng Department of Health (DOH), mayroong pagbaba ng COVID-19 cases matapos ang surge noong Abril.
Sa kabila nito, sinabi ng DOH na ang pagbaba ng mga naitatalang kaso sa mga nakalipas na linggo ay maaaring maiugnay sa pagkaunti ng samples na natatanggap ng testing laboratories, gayundin ang hindi pagbibigay ng data sa oras ng mga laboratory.
Sa totoo lang, sobrang hilig nating mga Pinoy sa pagtitipun-tipon tuwing may okasyon, kaya naman kahit may pandemya, malamang na marami pa ring didiskarte para kahit paano ay makapagdiwang.
Gayunman, paalala na hindi porke ibinaba ang quarantine restrictions at may pagbaba ng COVID-19 cases ay relaks na rin tayo.
Tandaan na may virus pa rin sa ating paligid at kasabay nito ang mahigpit pa ring pag-iingat kontra sa sakit upang mabawasan ang hawaan.
At ngayong Pangulo na ang nagbabala, siguro naman, lahat ay susunod na. Panawagan natin sa mga lokal na pamahalaan, maging responsable kayo sa inyong mga nasasakupan.
Tiyaking walang paglabag na magaganap dahil kung mayroon, kayo rin ang mananagot.
Kaya naman panawagan sa mga awtoridad, patunayan n’yong hindi lang puro babala ang inyong ginagawa, kumbaga, ipakita ninyong kaya n’yong panagutin ang mga dapat managot.
Pakiusap sa lahat, tiis-tiis muna kung walang mga pista at iba pang pagdiriwang. Sa ngayon, iprayoridad natin ang pagsunod sa mga umiiral na health protocols upang maiwasan ang hawaan ng virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments