ni Lolet Abania | November 16, 2020
Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na lalahok siya sa nakatakdang online meeting ng mga lider sa buong mundo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na gaganapin sa Biyernes, November 20, kasabay ng pagtalakay ng mga ito sa nanghihinang ekonomiya ng mga bansa dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa Malacañang.
Ito ang kauna-unahang pagsasagawa virtually ng APEC Economic Leaders’ Meeting, kung saan ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay magkakaroon ng dalawang sessions sa nasabing summit.
Ayon sa Malaysia, ang host country ngayong taon, asahan na tatalakayin ang paglulunsad ng bagong vision na magbibigay gabay sa 21 Pacific Rim economies sa mga susunod na taon.
Ang summit noong nakaraang taon sa Chile ay nakansela dahil sa mga violent protests sa mga bansa sa South America.
Samantala, noong nakaraang linggo, lumahok virtually si Pangulong Duterte sa 37th Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit and Related Summits, kung saan binanggit niya ang tungkol sa pagpapalalim ng regional integration at pagpapalakas ng supply chain connectivity.
Hinimok din ni P-Duterte ang mga Southeast Asian countries sa pagkakaroon ng kooperasyon para tiyakin na ang kani-kanilang mamamayan ay maka-access sa COVID-19 vaccines.
Pinangunahan din ni Pangulong Duterte ang mga lider ng mga bansa para sa isang open dialogue at tinukoy niya ang pagpapaigting ng multilateralism para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at recovery, climate action, at pagkakaroon ng kapayapaan at isyu ng seguridad sa Asia Pacific, partikular na ang South China Sea disputes.
Comments