P-Du30, balak tumakbong senador sa 2022 elections — Malacañang
- BULGAR
- Nov 5, 2021
- 1 min read
ni Lolet Abania | November 5, 2021

Kinumpirma ng Malacañang ngayong Biyernes na kinukonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-senador sa 2022 elections.
“He is considering it,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing, nang tanungin para kumpirmahin ang pahayag ni Senador Bong Go sa posibilidad na tumakbo sa senatorial race si Pangulong Duterte.
“As far as I know, wala pa pong pinal na desisyon,” sabi ni Roque.
Si Pangulong Duterte ay hindi naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa 2022 polls sa panahon ng filing period nito noong Oktubre 1 hanggang 8.
Gayunman, siya ay maaaring tumakbo sa Senate race sa pamamagitan ng pag-substitute sa sinumang miyembro ng kanyang political party, ang PDP-
Laban, na naghain ng COC para sa pagka-senador.
Ang substitution ay maaaring gawin ng hanggang Nobyembre 15.
Matatandaang ipinahayag ng 76-anyos na si Pangulong Duterte na tatakbo siya sa vice presidential race sa 2022, subalit nagdesisyon ding hindi na ituloy at sinabing magreretiro na lamang siya sa pulitika.
Nangangahulugan umano na posibleng ang anak ng Pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte ay sasabak sa 2022 presidential race sa pamamagitan ng substitution.
Sa pareho ring briefing, umaasa naman si Roque sa isang “miracle” o milagro na si Mayor Sara ay tatakbo sa pagka-pangulo sa susunod na taon.
Si Mayor Sara ay naghain ng kanyang COC para sa reelection, subalit maaari pa rin siyang tumakbo sa pagka-pangulo via substitution.
Maging si Roque mismo ay may balak na tumakbo sa Senado sa 2022. Subalit, siya rin ay hindi nag-file ng kanyang COC sa panahon ng filing period.
Comments