top of page
Search
BULGAR

P-Digong at kanyang transition team, ready na para sa maayos na pagsasalin ng tungkulin

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 13, 2022


Sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mauupo na ang bagong pangulo na pinili ng mayorya ng mga botante bilang susunod sa kanya na magtitimon sa ating bansa sa loob ng anim na taon.


Maaga pa lang ay naghanda na ang Pangulo at ang kanyang transition team para sa maayos at sistematikong pagsasalin ng tungkulin. Ang layunin ay para hindi maantala ang serbisyo ng pamahalaan at magpatuloy ang tulong para sa ating mga kababayan, lalo na ang mga higit na nangangailangan.


Maging ang iba’t ibang departamento ay nakapaghanda na rin dahil iyon ang utos ng ating Presidente sa kanyang mga gabinete. Nakatitiyak ang mga bagong mauupong pinuno ng mga kagawaran at ahensiya na daratnan nila ang kanilang mga opisina na nasa maayos na sitwasyon at handang gawin ang kani-kanilang mga mandato na naaayon sa direksyong tatahakin ng bagong administrasyon.


Sa bawat eleksyon ay may panalo at may talo. Hindi naman iyon maiiwasan. Sadyang sa ganitong demokratikong proseso ay ang tinig ng nakararami ang dapat na manaig. May mga magkakapamilya at magkakaibigan na nasira ang samahan dahil sa iba’t ibang paninindigan. Umaasa akong sa paglipas ng panahon ay maghihilom din ito at muli tayong magkakaisa.


Maraming kinakaharap na hamon ang ating bansa gaya ng pandemya at iba pang krisis kaya hindi tayo dapat na mag-away-away pa dahil sa pulitika. Kung magkakaisa tayo at sama-samang hahakbang patungo sa mas magandang layunin para sa ating bayan, walang suliranin na hindi natin kayang malampasan.


Sa parte ko, kahit iba na ang administrasyon ay patuloy ako sa aking pagsisilbi sa inyo bilang inyong senador at lingkod-bayan. Maaasahan ninyo na patuloy kong ipaglalaban ang para sa mga mahihirap, lalo na ang walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Hindi ako titigil habang may mga kababayan tayong hindi pa nakakabangon muli.


Sa katunayan, ngayong linggong ito, kahit nagdaos ng halalan ay nakapaghatid pa rin ang aking tanggapan ng tulong sa ilan nating kababayan.


Noong Mayo 11 ay personal akong nagpunta sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte para bisitahin at bigyan ng tulong ang mga solo parents, mangingisda, senior citizens at mga miyembro ng iba pang sektor. Napagkalooban natin ng ayuda ang 808 benepisyaryo mula sa Bgy. Aundanao, 515 sa Bgy. Licup, at 440 sa Bgy. Tagdaliao.


Kasunod nito ang muli kong pagbisita kahapon, Mayo 12, sa IGACOS upang maghatid ng tulong sa 1,027 benepisyaryo mula sa Bgy. Peñaplata, 813 sa Bgy. Tagbitan-ag, at 577 pa mula sa Bgy. Catagman.


Ang aking team ay nagsagawa naman ng serye ng relief efforts para sa 1,666 mahirap na residente sa Caloocan City; 1,558 sa Sta Maria, Bulacan; 1,000 sa Cabanatuan City, Nueva Ecija; at 306 mula sa Naval, Biliran.


Sumaklolo rin tayo at umalalay sa mga naging biktima ng sunog gaya ng 76 na pamilya ng Sucat, Muntinlupa City; at 37 pamilya sa Iloilo City.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy akong umaapela sa ating mga kababayan na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na magpabakuna na. Napatunayan na po na ligtas ang bakuna at ito ang tanging solusyon para matapos na ang pandemya.

Patuloy ko ring pagsisikapang mas mapalakas pa ang Malasakit Center program sa buong bansa. Napakalaki ng naitutulong nito sa ating mga kababayan para sa kanilang mga bayarin sa ospital, lalung-lalo na ang mga walang pagkukunan ng pambili ng gamot.


Lagi ring bukas ang aking tanggapan para sa anumang tulong na aking maipagkakaloob sa abot ng aking makakaya. Nagbago lang po ang administrasyon, ngunit hindi magbabago ang hangarin kong magserbisyo bilang inyong Kuya Bong Go.


Sa pagpasok natin sa bagong kabanata ng ating bansa ay patuloy ninyong maaasahan at makakasama ang inyong Kuya Bong Go na laging handang magserbisyo at magmalasakit sa inyong lahat anumang oras, at kaisa ninyo sa pakikipagbayanihan para sa isang nagkakaisa at mas matatag na Pilipinas!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page