ni Mylene Alfonso @News | September 15, 2023
Naungusan na ng Pilipinas ang China bilang top importer ng bigas ngayong taon, base sa inilabas na ulat ng United States Department of Agriculture (USDA).
Sa ulat ng "Grain: World Markets and Trade", inaprubahan ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-aangkat ng 3,900 metriko tonelada ng bigas mula noong Enero hanggang sa Disyembre.
Batay sa ulat, noong 2008 nag-angkat din ng daan-daang libong tonelada ang Pilipinas dahil sa pagtaas ng presyo at ngayong taon hinihintay na lamang na bumaba ang presyo para sa pag-aangkat.
Sa darating na Enero hanggang Agosto ng susunod na taon, posibleng mabawasan ng 100 metriko tonelada ang aangkatin na bigas ng Pilipinas habang magdadagdag naman ang China ng 500 metriko tonelada.
Sa usapin naman ng produksyon, ang Pilipinas ay nakapagtala ng 12,631 metriko tonelada, 145,946 MT sa China at 136,000 MT ang India.
Samantala, sinisi naman ng iba't ibang grupo si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa polisiya ng pag-aangkat, na patuloy umanong pumapatay sa lokal na industriya ng palay at bigas.
"Simula nang maupo siya sa puder, bukambibig niya ang importasyon at pagmamakaawa sa ibang bansa ng imported rice samantalang kaya namang i-prodyus dito sa atin," ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.
"Malaking krimen ito ni Marcos Jr. sa mamamayang Pilipino dahil sa kapabayaan na paunlarin ang lokal na industriya ng palay at bigas at walang komprehensibong plano sa pagsusulong ng national food security at self-sufficiency ng bansa," dagdag pa nito.
Ani Estavillo, na secretary general din ng Amihan National Federation of Peasant Women, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, napapanahon nang ibasura ang Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law, bagay na naging dahilan umano ng pagkalugi nang marami magsasaka.
Comments