ni Lolet Abania | Pebrero 8, 2023
Sinimulan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang 5-day official visit sa Japan ngayong Miyerkules, ang unang biyahe nito sa East Asian country simula ng maupo sa puwesto noong Hunyo 2022.
Dumating si P-BBM at kanyang delegasyon sa Japan ng alas-5:35 ng hapon local time, sakay ng flight PR 001.
Nakaiskedyul na makipagkita si Marcos kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida at makaharap si Emperor Naruhito. Nasa tinatayang pitong key agreements ang inaasahang malalagdaan sa kanyang pagbisita sa naturang bansa.
Nakapaloob sa mga kasunduan ang tungkol sa humanitarian assistance at disaster relief, infrastructure, agriculture, at digital cooperation. Magkakaroon din ang Pangulo ng mga meetings sa mga Japanese business leaders upang i-promote ang mga trade at investment opportunities sa Pilipinas.
“This administration is keen on working closely with Japan to forge stability and dynamism in our bilateral relations,” ani Marcos sa kanyang pre-departure speech.
Samantala, sa bisperas ng pagbisita ni P-BBM sa naturang bansa, ang Maynila ay nagpa-deport ng dalawa sa apat na Japanese nationals na sina Toshiya Fujita at Kiyoto Imamura, na nai-report na sangkot sa organized robberies sa buong Japan.
Habang ang dalawang iba pa, ang mastermind umano na si Yuki Watanabe at si Kojima Tomonobu, ay nakatakdang pabalikin sa gabi ng Miyerkules.
Pinuri naman ng Japanese Embassy in Manila ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa tinatawag na “constructive” response at kooperasyon nito kaugnay sa deportation ng kanilang mga mamamayan.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), “The “Luffy” controversy would not affect the President’s trip to Japan, which will conclude on February 12.”
Comentarios