ni Lolet Abania | December 22, 2022
Nagpamahagi, tatlong araw bago ang Pasko, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mga regalo at assistance sa mga bata, mga pamilya, at indigenous peoples sa Rizal Park, Manila.
“Sa ating mga beneficiary, Merry Christmas! Alam ninyo po, lagi kong sinasabi paulit-ulit, eh kako ‘yung Pasko, parang ‘yung Pilipino akala natin tayo nag-imbento ng Pasko eh, kung magcelebrate tayo eh..." ani Pangulong Marcos sa kanyang message.
“Kahit papano, kahit naghihirap tayo ngayon, kahit mayroon pa ring pandemya nang kaunti, 'yung ekonomiya, dahan-dahan pa lang bumabalik, kahit papano nakakaraos pa rin tayo...” dagdag niya.
Ang Pangkabuhayan at Pamaskong Handog ng Pangulo at Unang Ginang sa Sambayanang Pilipino ay isang joint activity ng Office of the President (OP) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na layon na ilapit ang gobyerno sa mga vulnerable sector ng lipunan.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos sa mga benepisyaryo na ang gobyerno ay palaging nariyan upang makapagbigay sa kanilang pangangailangan at tulungan sila sa kanilang kabuhayan.
“Itong aming kaunting tulong sa inyo, hindi lang po ngayong Pasko. Alam ninyo po, asahan po ninyo kayo ay ang laging nasa isip namin. Ito, itong mga DSWD dito, araw-araw ‘yan, 24/7 iniisip nila kung papaano namin kayong tutulungan, kung papaano pa ang aming pwedeng gawin para nga kahit papaano, kahit nakalampas na ‘yung Pasko, ‘yung New Year eh patuloy pa rin ang aming tulong sa inyo,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa DSWD, ang financial aid na nagkakahalaga ng P10,000, mga hygiene kits, at food packs ay ibinigay sa ilang 574 pamilya na tinukoy ng local government units (LGUs) sa Metro Manila.
Binanggit pa ng Pangulo na ang event ay para rin sa mga bata para maramdaman nilang lalo ang diwa ng Pasko. Tinatayang nasa 400 bata ang nakatanggap ng gift packs kabilang ang mga laruan, mga libro, at mga damit.
Inimbitahin rin ng Pangulo ang mga beneficiaries na bisitahin ang Malacañang Palace, para Makita ang mga Christmas displays, at dumalo ng Simbang Gabi.
“Welcome kayong lahat. Bukas na ang Palasyo. Hindi ko naman bahay ‘yan eh, bahay niyo ‘yan eh. Kaya binuksan ko na,” saad pa ni P-BBM.
Commentaires