ni Angela Fernando @News | Oct. 9, 2024
Photo: Presidential Communications Office
Nagdaos ng online meeting si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kasama ang ilang kalihim ng gabinete sa sidelines ng 44th and 45th ASEAN Summit and Related Summits upang talakayin ang sitwasyon sa Middle East.
Ayon sa Presidential Communications Office nitong Miyerkules, dumalo sa Zoom meeting sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Defense Secretary Gilberto Teodoro, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, at National Security Adviser Eduardo Año.
Sa kanyang talumpati sa meet and greet kasama ang Pinoy community sa Lao PDR, binanggit ni Marcos na patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang opisyal tungkol sa repatriation ng mga Pilipinong naapektuhan ng tensyon sa Israel at Lebanon.
Magugunitang pinayuhan ang mga Pilipino sa Israel na iwasan ang ilang lugar sa Middle East, kabilang ang ilang bahagi ng Israel at Lebanon, dahil sa lumalalang gusot sa rehiyon. Ang paalala ay dumating matapos magpasabog ng bomba ang Israel sa mga target ng Hezbollah sa Lebanon at Gaza Strip.
Comments