ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2023
Dear Chief Acosta,
Isa akong contractor sa ating bansa at hindi ako namamasukan sa kahit anong kumpanya. Dahil na rin siguro sa pandemya ay kaunti na ang aking nagiging kliyente.
Kung kaya tuwing may papasok na kliyente ay kaagad kong tinatanggap para ako ay kumita. Noong nakaraang linggo, ako ay binayaran ng aking kliyente at sinabihan ko siya na ako ay maaaring mag-construct kahit alam kong wala pa akong lisensya. May nalabag ba akong batas? Salamat sa inyong kasagutan. - Josh
Dear Josh,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 35 ng Republic Act No. 4566, na inamyendahan ng Republic Act No. 11711, na mas kilala bilang “Contractor’s License Law”, kung saan nakasaad na:
“Section 35. Prohibited Acts. The following are prohibited under this Act:
‘(a) Any contractor who, for a price, commission, fee or wage, submits or attempts to submit a bid to construct, or contracts to or undertakes to constructs, or assumes charge in a supervisory capacity of a construction work within the purview of this Act, without first securing a license to engage in the business of contracting in the Philippines shall be penalized with a fine of not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than Five hundred thousand pesos (P500,000.00) plus the equivalent of one-tenth of one percent (1%) of the project cost. Furthermore, the offending party shall be prohibited from obtaining a contractor’s license for a period of one (1) year from the time that party is found guilty under this provision.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, kahit sinong contractor, na para sa isang presyo, komisyon, bayad o sahod, ay magsusumite o susubok na magsumite ng isang bid para mag-construct, o gagampanan ang trabaho bilang supervisor ng isang construction work, nang walang lisensya upang pumasok sa negosyo ng contracting sa Pilipinas ay maaaring mapatawan ng parusa na pagbabayad ng multa. Karagdagan dito, maaaring ang nagkasala ay pagbawalan na kumuha ng lisensya bilang contractor sa loob ng isang taon magmula sa araw na siya ay masentensyahan ng guilty.
Kung kaya sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung ikaw ay tumanggap ng bayad at nagsabi sa iyong kliyente na maaari kang mag-construct, bagama’t ikaw ay walang lisensya upang gawin ito, maaari kang mapatawan ng akmang parusa sa oras na mapatunayan na ikaw ay nagkasala sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments